KALIGTASAN SA TAHANAN SA GAS AT KURYENTE

Gayun din, para sa mga kahon ng fuse, ... (hanapin ang parte na nasunog) at palitan gamit ang isang pampalit na may ... Mas maganda rin...

5 downloads 956 Views 47KB Size
KALIGTASAN SA TAHANAN SA GAS AT KURYENTE KURYENTE: KILOWATTS

Ang kuryente ay nakapagpapainit ng inyong tahanan, nagluluto ng inyong pagkain at nagpapatakbo ng inyong mga kasangkapan, pero kung hindi gagamitin nang maayos ang mga ito, maaaring magkaroon ng mga hindi kanais-nais na resulta. Ang totoo nito, ang dami ng kuryenteng kakailanganin para mapailaw ang isang maliit na bombilyang 15-watt ay maaaring maging sanhi ng matitinding pinsala kung mali ang pagkagamit. Hindi namin sinasabi ito sa inyo para kayo ay takutin, pero upang ipaala-ala sa inyo ang kapangyarihan ng kuryente, upang hikayatin kayo na mag-ingat nang mabuti kapag gumagamit ng mga kasangkapang de-kuryente. Mga fuse at mga circuit breaker: ang inyong mga balbulang pang-kaligtasan Ang mga fuse at mga circuit breaker ay gumagana bilang mga balbulang pang-kaligtasan upang makatulong na maiwasang mag-overload ang sistema. Ang mga ito ay may mga limitasyon sa disenyo, kung hanggang saan ang daloy ng kuryenteng kakayanin nila sa kahit anong panahon o pagkakataon. Kapag ang mga ito ay nag-overlaod, ang mga ito ay magti-trip, at hihinto ang pagdaloy ng kuryente. Kapag namatay ang kuryente sa inyong buong bahay o sa ilang bahagi nito, maaaring nag-overlaod ang iyong kuryente. Tingnan muna sa labas kung wala ring kuryente ang inyong mga kapitbahay. Kung hindi, kailangang palitan ninyo ang isang fuse o kaya’y mag-reset kayo ng circuit breaker. Kabilang sa ilang mga bagay-bagay na dapat tandaan tungkol sa mga naturang fuse at circuit breaker ang: maging pamilyar kayo sa inyong fuse o circuit box — alamin kung nasaan ito, kung aling fuse o circuit ang para sa kung anong bahagi ng bahay (puwede ninyong lagyan ng label o markahan ang mga ito gamit ang masking tape). Gayun din, para sa mga kahon ng fuse, alamin kung ano ang amperage (amp) ng inyong mga fuse (makikita ang mga ito sa itaas ng fuse), at magtago ng karagdagang panustos. Huli sa lahat, kahit pa pumutok ang isang fuse o kung nag-trip ang circuit breaker, pakisuyong suriin kung ano ang ipinahihiwatig ng inyong sistema. Alinman sa inyo ay nagkaroon ng panganib na nag-short circuit o nagkaroon ng ground fault, o napakarami ng mga kasangkapan sa isang circuit. Pagpapalit ng fuse Kung ang inyong tahanan ay may fuse box, maaari kayong mag-upgrade sa isang modernong sistema na gumagamit ng mga circuit breaker sa halip na mga fuse. Habang wala pa kayong ganito, para makapagpalit ng fuse: 1. Patayin ang kasangkapan na pinagmulan ng overload. 2. Patayin ang main breaker (ang switch na nasa tabi ng kahon ng fuse). 3. Kung ang inyong fuse panel ay nasa isang silid o lugar na magdidilim kapag pinatay ang main breaker, tiyakin na kayo ay may dalang flashlight o lampara na may sapat na liwanag para makapagpalit kayo ng fuse. 4. Alisin ang turnilyo ng pumutok na fuse (hanapin ang parte na nasunog) at palitan gamit ang isang pampalit na may katulad na amp rating. Kung may duda, gumamit ng 15 amps. 5. HUWAG babalutin ang fuse sa aluminum foil sa pagkukumpuni nito o huwag magsusuot ng barya sa lagayan ng fuse. Maaari itong maging sanhi ng short o matinding overload sa kawad o wiring nito, na maaaring pagmulan ng isang sunog, o kaya’y maaari kayong makaranas ng isang matinding shock o matinding pagka-kuryente. 6. Buksan muli ang main breaker. Pagre-reset ng isang circuit breaker na nag-trip

Bago mag-reset ng circuit breaker, ayusin muna ang overload sa pamamagitan ng pag-aalis ng saksak ng mga naapektuhang kasangkapan. Kung ang short o ground fault ang dahilan nito, pinakaligtas na ang humingi ng tulong sa isang propesyonal para makumpuni ang short o ground fault. Pagkatapos, mag-reset na ng circuit breaker sa pamamagitan ng pagdadala ng hawakan nito sa “full hard OFF” na tayo o nakababa na nang todo-todo, at pagkatapos ay ilagay ulit sa “ON” o buksan na ito. Pagmumulan ba ng sunog ang mga kawad sa bahay ninyo? Ang mga pamilya sa ngayon ay gumagamit nang mas maraming kuryente kumpara noong una. Gayunpaman, maraming mga sinaunang bahay ang hindi maayos ang pagkakalagay ng mga kawad para sa mga kasalukuyang pangangailangan sa kuryente. Ang totoo nito, tinatantiya na apat sa limang mga tahanan ang kulang-kulang ang mga kawad o wiring — isang dahilan sa sunog sa isa sa walong nasunog na bahay. Maaaring overloaded ang kawad-kawad o wiring sa inyong bahay kung “oo” ang sagot ninyo sa alinman sa mga tanong na naririto: 1. Lampas na ba sa 20 taon ang inyong bahay? 2. Mayroon bang higit pa sa 2 kurdon na nakasaksak sa alinman sa inyong mga saksakan? 3. Nito bang mga nakaraang araw ay nag-trip na o pumutok ang inyong circuit breaker? 4. Ang larawan bang nakikita sa inyong TV ay lumiliit o nawawala? Ang TV ay isang mahusay na pantukoy kung ang boltahe ay maayos. Kung mababa ang inyong boltahe, maaarin ang problema ay overloading. 5. Napansin mo ba kung ang mga ilaw ay lumalabo at ang mga motor ng kuryente ay tumatakbo nang mas mabagal, o kung ang mga kasangkapang kagaya ng toaster ay mas matagal uminit? Kung may hinala ka na kulang o may problema sa wiring ang inyong bahay, kailangang kumuha ka ng isang lisensiyadong elektrisyan para suriin niya kung malubha na ba ang problema at kung kailangang na nga ang mag-re-wire o ulitin at ayusin ang pagkaka-kabit ng mga kawad-kawad. Samantala, huwag pagsabay-sabayin ang paggamit ninyo ng mga kasangkapang de-kuryente upang ang inyong sistema ay hindi mahirapang paganahin ang lahat ng mga kasangkapan nang sabay-sabay, at tanggalin sa pagkasaksak ang mga kasangkapan na hindi naman ninyo ginagamit sa loob nang maraming oras. Pangangalaga sa mga maseselang kasangkapan Ginagawa ng SDG&E ang lahat ng mga pagsusumikap upang makapagtustos ng ligtas, at maaasahang kuryente. Pero may ilang mga salik na maaaring maging sanhi ng pagkamatay ng kuryente — malakas na hangin, mga bagyo, at mga aksidente sa trapiko — at ang mga ito ay hindi naman natin maiiwasan. Kapag namatay ang kuryente, alisin sa saksak ang mga maseselang kagamitan gaya ng mga fax machine, microwave, computer at telebisyon upang makatulong sa pag-iwas na bigla na lamang muling bumukas ang mga ito. Mas maganda rin na patayin ang mga pangunahing kasangkapan gaya ng mga washer o labahan o mga aircon; pero iwanang bukas o naka“ON” ang isang ilaw upang malaman mo kung nagkakuryente na. Ang patay-sindi na kuryente ay maaari ring maging sanhi ng mga problema sa mga maseselang kagamitang de-kuryente. Para sa proteksyon laban sa boltaheng baba-taas o sa mga spike o biglang-taas ng kuryente, isaalang-alang ang pagbili ng Transient Voltage Surge Suppressor (TVSS). Makakatulong ang mga ito na maiwasan ang pagtaas-baba ng boltahe na maabot ang mga kagamitang elektroniko sa pamamagitan ng pag-ground (grounding) ng sobrang enerhiyang dala ng biglang pagtaas. Tiyakin na makikita mo ang tatak na TVSS at may makikita kang mga salitang “Transient Voltage Surge Suppressor,” at ito ay nasuri na at nakalista sa isang kinikilalang laboratoryong tagasuri sa iyong bansa, o “nationally recognized testing laboratory” (NRTL). Hanapin ang tatak ng tagasuring laboratoryo sa kasangkapan, gaya ng UL, CSA, ETI, o AGA. Ang isa pang pagpipilian na dapat isaalang-alang ay ang pagkakabit ng isang Uninterruptible Power Supply (UPS o Hindi Kaagad Namamatay na Tustos ng Kuryente) na awtomatikong gumagana bilang baterya kapag namatay ang kuryente, upang mabigyan ang computer nang tuloy-tuloy na tustos ng kuryente, pati na ang iba pang mga kritikal na kasangkapan, sa panahong mamatay ang kuryente.

Pag-iingat sa paggamit ng kuryente Kung ang isasaalang-alang ay kuryente, ang salitang “ground” ay nangangahulugan ng pagkakaroon ng elektrikal na koneksyon sa lupa. Kung mapapadaan ka sa pagitan ng kuryente at sa lupa o sa ground, ikaw ang magiging daan kung saan ang kuryente ay dadaloy — at iyan ay makakakuryente, makakasunog o maaaring ikamatay mo. Sasabihin sa iyo ng mga sumusunod na tip kung paanong maiiwasan ang mga pangyayaring maaaring makapagdulot ng panganib. Kaligtasan sa paggamit ng mga kasangkapan • Maraming mga kasangkapan ang kailangang “grounded” at may tatlong-pansaksak o “three-prong plug” o may nakahiwalay na kawad na mula sa kasangkapan papunta sa pangunahing grounding system (kung minsan, ito ay isang tubong yari sa metal o “metallic plumbing”), o pareho • Kung ang isang kasangkapan ay hindi gumagana nang maayos o nakaka-kuryente nang kaunting-kaunti lang, tanggalin sa pagkasaksak ito at tumawag kaagad ng magseserbisyo na isang technician. • Ang tubig ay isang napakahusay na daluyan ng kuryente. Huwag kahit kailan hahawakan ang isang kasangkapang dekuryente kung ikaw ay nasa tubig, malapit sa tubig o nasa medyo basang lugar. • Kapag gumagamit ng isang kasangkapan na may natatanggal na kurdon, palaging alisin sa saksak ang kasangkapan mula sa dingding bago alisin ang saksak mula sa kasangkapan. Anumang kurdon na konektado sa saksakan sa dingding ay nakaka-kuryente o “energized”, at maaari kang makuryente o mapaso. • Palitan, huwag kukumpunihin, ang mga luma na o mga punit-punit o nabalatang kurdon o kawad ng kuryente. Huwag kahit kailan pagtatangkaang kumpunihin ang mga kasangkapan habang ang mga ito ay nakasaksak pa. • Panatilihing malayo ang mga kurdon sa mga maiinit na kasangkapan. • Ang mismong pansaksak o plug ang bunutin, hindi ang kurdon na nakakabit dito. • Huwag padaanin ang mga kurdon sa ilalim ng mga basahan kung saan ang mga ito ay maaapakan at paglulumain ng mga nagdadaanang mga paa, at kung saan hindi mo mapapansin na may sira na pala ang kurdon. • Panatilihing malinis ang mga kasangkapan, lalong-lalo na iyong m ga naghahakot ng nagliliyab na materyal na gaya ng lint o grasa. • Ang mga saksakan o outlet na nakalagay nang malalapit sa mga lababo, sa mga tub o paliguan o sa labas ng bahay ay kailangang may mga outlet ng Ground Fault Interrupter (GFI). Ang mga saksakang ito ay dinisenyo na magbubukas ng circuit nang mas mabilis kaysa sa isang breaker o fuse, kung mayroon kang isang bagay na hinahawakan na mapapadikit sa tubig. Mga Power tool • Tiyakin na ang bawat power tool ay grounded o may katibayang may dobleng insulasyon. • Hangga’t maaari, panatilihing tuyo ang lahat-lahat. • Magsuot ng mga sapatos na de-goma ang talampakan kapag nagpapatakbo ng mga power tools. • Iwasan ang mag-overload; huwag gagamit ng mga power tool kapag ang iba pang mga pangunahing kasangkapan na gaya ng mga washers o dryer, ay gumagana. • Alisin sa saksak ang mga power tool kapag nagpapalit ka ng talim o blade ng mga ito, kapag nagsasagawa ka ng mga konting pagkukumpuni, at iba pa, at kahit kailan basta’t hindi naman ginagamit ang mga ito. Kaligtasan sa labas mula sa lupa at pataas Sa labas, napapalibutan ka ng mga conductor o dinadaluyan ng kuryente: tubig, mga linya ng kuryente, mga hagdanang yari sa metal, mga antena ng TV, at iba pa. Kaya’t kung nasa labas ka, sundin ang lahat ng mga tuntunin para sa kaligtasan sa paggamit ng kuryente kapag ikaw ay nasa loob, pati na ang mga sumusunod: • Huwag kahit kailan gagamit ng mga kasangkapang pang-loob ng tahahan, gaya ng mga tool, lampara, at iba pa, kung nasa labas. • Huwag gagamit ng mga kasangkapang de-kuryente sa labas kung umuulan o kahit pa basa-basa lang. • Kapag nagkukumpuni ng mga bubong, nagpipintura, nagpuputol ng mga halaman o naghuhugas ng mga bintana, lumayo sa mga linya ng kuryenteng nasa itaas, sa mga ”guy” na kawad at sa mga antena ng TV. Kung ang mga puno ay nasa mismong linya ng kuryente sa itaas, ang mga tauhan ng SDG&E na taga-putol ng puno ay maaaring makatulong, tumawag sa 1-800-411-SDGE (7343) para sa impormasyon. • Ilayo ang mga kasangkapang de-kuryente sa swimming pool, sa layong hindi bababa sa 10 talampakan (10 feet).



• • • •

• •

Kapag naglalagay ng antena ng TV o radyo, tiyakin na ikaw at ang antena ay dalawang beses na mas malayo pa sa anumang linya ng kuryente, kaysa sa haba ng antena. Ganitong patakaran din ang susundin kapag nagpapatuyo ng mga tubo, ng mga poste ng bandila (flag pole) o anumang mahabang bagay na yari sa metal. Kung gumagamit ka sa labas ng isang hagdanang yari sa aluminum, panatilihing ikaw, ang iyong mga tools at ang iyong hagdanan ay nasa wastong layo mula sa mga linya ng kuryente. Panatilihin na ang mga saranggola ay malayo sa mga linya ng kuryente. Linisin nang may pag-iingat ang inyong swimming pool, lalong-lalo na kung gumagamit kayo ng mga poste na yari sa aluminum. Lumayo sa mga linya ng kuryente. Tiyakin na ikaw at ang iyong mga anak ay palaging malayo sa mga kawad o kable, sa mga sub-station ng mga kagamitang de-kuryente, at iba pa. Ang mga iyon ay mapanganib at hindi dapat paglaruan. Ganito rin ang sa malaking berdeng kahon ng transformer na palagi ninyong nakikita sa harapan ng bakuran ng ibang bahay. Kung makakakita ka ng kahon ng transformer na hindi naka-kandado o kaya’y bukas, tumawag kaagad sa SDG&E sa 1-800-411-SDGE (7343). Huwag kahit kailan magpapakalat ng mga lobong metal o “mylar balloon” sa labas, sapagkat maaari silang pagmulan ng pagkamatay ng kuryente. Ang electric bonding o ang paggamit ng SDG&E gas service piping, mga gas riser o o mga pasilidad ng metro na ginagamit para sa electric grounding ay hindi pinapayagan. Mag-ingat kapag humahawak ng mga metro ng gas. Ang mga may sirang kasangkapan sa bahay o ang mga sirang kawad ng kuryente ay maaaring makasama sa mga pasilidad ng gas o pasilidad na may gas.

Mga tip-pangkaligtasan sa kuryente ngayong holiday Maraming tao ang talaga namang nagpapakahirap na makapagkabit ng ilaw ngayong holiday. Kalimitan, nangangahulugan ito na mas maraming gas at kuryente ang gagamitin. Naririto ang ilang mga tip-pangkaligtasan upang matulungan ka na mapanatiling may liwanag ang inyong holiday: • Bumili lamang ng mga ilaw na may tatak na NRTL. • Bago gamitin, tingnan ang lahat ng mga ilaw sa puno kung mayroong punit o kung nabalatan ang mga kurdon, kung may mga lumuwag na ang kabit o kung maluwag ang koneksyon, kung may mga sirang socket, at iba pa. • Huwag kahit kailan gagamitin sa labas ang ilaw na pang-loob. • Huwag pababayaan ang mga bombilya ng ilaw ng puno na lumapat sa mga karayom at mga sanga. • Panatilihing malayo ang iyong puno sa tubig at ang mga kurdon ng ilaw ay wala sa tubig. • Huwag kahit kailan gagamit ng mga ilaw ng kuryente sa isang punong yari sa metal; gumamit ng may kulay na mga ilaw na naigagalaw paturo sa ilang mga direksyon o directional lights. • Huwag isasaksak ang lahat ninyong pailaw ngayong holiday sa isang socket lamang. • Patayin ang mga ilaw kung aalis kayo ng bahay o kung matutulog na kayo. • Gumamit ng mga hook sa pagkakabit ng mga ilaw sa labas. Huwag magpapako o gagamit ng thumbtacks sa mga kurdon. • Huwag lalagyan ng string ang mga ilaw sa labas kung basa.

NATURAL NA GAS Ang natural na gas ay malinis, isang mahusay na paraan ng pagpapainit sa inyong bahay, sa pagluluto ng inyong pagkain at sa pagpapatuyo ng inyong mga damit. At ito ay ganap na ligtas kung gagamitin mo ang iyong ulo — at ilong upang mabantayan mo ang anumang mapanganib na singaw ng gas. Tawag muna bago ka maghukay Alamin MUNA kung nasaan ang mga linya ng kuryente sa ilalim ng lupa at kung saan naroon ang gas bago kayo maghukay. Tumawag sa DigAlert—sa 811 gamit ang anumang telepono — sa loob nang hindi kukulangin sa 48 oras bago maghukay. Darating ang SDG&E at mamarkahan ang lokasyon ng gas at ang mga linya ng kuryente nang libre. May problema? Alam ‘yan ng ilong mo. Para sa inyong proteksyon, nilagyan ng SDG&E ang natural na gas ng amoy na walang katulad, upang ang mga singaw ay madaling mapansin. Kung may maaamoy kang natural na gas: • Tumawag sa SDG&E sa 1-800-611-SDGE (7343) gamit ang telepono ng inyong kapitbahay, ang cell phone mula sa labas ng inyong bahay, o ang isang pay phone. • Tumawag sa Departamento ng Sunog o Fire Department kung hindi kayo maka-kontak sa SDG&E. • HUWAG magkagulo. • HUWAG magsisindi ng posporo, ng kandila o ng sigarilyo. • HUWAG bubuksan-isasara ang mga kasangkapang de-kuryente o ang mga ilaw. • HUWAG gagamit ng ANUMANG telepono sa inyong bahay. Carbon monoxide Ang mga kasangkapang maayos ang pagpapanatili ay mas mahusay gamitin at makakapagtipid pa kayo ng pera sa inyong buwanang singil sa enerhiya. Upang mapagana ang inyong mga kasangkapan nang ligtas at mas mahusay, isang lisensiyadong kontraktor para sa heating (pampainit) o plumbing (tubero), o isang taga-SDG&E ang dapat na magsuri ng inyong mga kasangkapang de-gas kada taon. Kung hindi ninyo maiisagawa ang ganitong pagpapanatili nang taon-taon sa inyong mga kasangkapang de-gas, maaaring magresulta ito sa panganib na malantad sa carbon monoxide. Kung sa inyong tahanan ay makakaranas kayo na ang inyong mga kasangkapang de-gas ay hindi ganap na sumisindi, nagkakaroon ng carbon monoxide, at ito ay maaaring maging sanhi upang ikaw at ang iyong pamilya ay malason dahil sa carbon monoxide. Ang maaaga pang mga bahagi ng pagkalason sa carbon monoxide ay pinagmumulan ng mga sintomas na tulad ng sa trangkaso, gaya ng pananakit ng ulo, pagkahilo, pagka-alibadbad, pagsusuka, pangangapos ng hininga at pagkalito. Sapagkat nauubos ang oksiheno (oxygen) sa dugo dahil sa carbon monoxide, ang matagalang pagkalantad sa carbon monoxide ay maaari ring makamatay dahil sa “asphyxiation” o pangangapos ng hininga. Mga palatandaan na maaaring nagsasabi na mayroon nang carbon monoxide: • Dilaw, malalaki at patay-sindi na apoy ng kasangkapang de-gas (maliban sa mga kasangakapang de-gas na ginagamit na pang-dekorasyon o decorative gas log appliances). • May kakaibang masamang amoy kapag pinapagana ang kasangkapan. • Nakakaranas ng hindi maipaliwanag na pagka-alibadbad, pagkahilo, at mga sintomas na tulad ng sa trangkaso. Kung may suspetsa ka na mayroong carbon monoxide: 1. Patayin kaagad at ihinto ang paggamit ng pinagsusupetsahang kasangkapang de-gas. 2. Magpatingin sa doktor kung ikaw o ang isang miyembro ng iyong pamilya ay nakakaranas ng mga sintomas na may kaugnayan sa posibleng pagkalason sa carbon monoxide. 3. Kontakin kaagad ang isang lisensiyadong kontraktor para sa heating (pagpapainit) o plumbing (tubero) o ang isang taga-SDG&E upang ma-inspeksyon ang kasangkapan. 4. Huwag gagamitin ang pinagsususpetsahang kasangkapang de-gas hangga’t hindi ito naiinspeksyon, naaayos at nadedeterminang ligtas nang gamitin, ng isang eksperto dito. Kaligtasan sa paggamit ng mga kasangkapang de-gas



• • • • • •

Karamihan sa mga kasangkapang nagbibigay ng hangin o “forced-air furnaces” ay may mga filter o panala na naglilinis ng hangin bago magpainit at bago paikutin/padaluyin ito sa buong bahay. Ang filter o panala ay kailangang suriin buwan-buwan upang malaman kung nagkaroon na ba ito ng maraming lint, sa mga panahong ito ay ginagamit, at kailangang linisin o palitan na kung kailangan. Huwag kahit kailan gagamitin ang inyong gas oven, gas range o ihawan ng barbeque bilang pampainit ng inyong tahahan sapagkat hindi naman dinisenyo ang mga iyon para sa ganyang layunin. Panatilihing walang grasa o malayo ang grasa sa mga gas range burner. Huwag kahit kailan gagamit ng tubig sa sunog na ang sanhi ay grasa. Gamitin ang fire extinguisher o sabuyan ng baking soda. Huwag kahit kailan magtatago ng mga nag-aapoy na produkto gaya ng gasolina, thinner ng pintura, mga produktong ginagamit sa paglilinis sa iisang silid o sa malapit sa anumang kasangkapang lumilikha ng init o gas. Alamin kung nasaan ang mga balbulang pang-sara ng mga kasangkapang de-gas, at alamin kung nasaan ang pangunahing balbula na malapit sa inyong metro. Ang pagpapanatili ng mga kasangkapang de-gas ay palaging responsibilidad ng may ari ng bahay. Gayunpaman, ang SDG&E ay magsasagawa ng mga pagsusuring pang-kaligtasan sa inyong mga kasangkapang de-gas, kung ito ay inyong hihilingin.

Mga “turnoff” o pagpapatay na dapat ninyong malaman Kailangang alam ninyo kung saan at kung paano papatayin ang inyong gas at kuryente. Ang impormasyon ito ay angkop sa karamihan ng mga tahanan o apartment, pero kung may mga tanong kayo, tumawag sa SDG&E sa 1-800-411-SDGE (7343). Ang metro, ang pangunahing circuit breaker o ang mga fuse, at ang balbulang patayan ng gas (gas shutoff valve) para sa karamihan ng mga tahanan ay makikita sa labas ng bahay. Sa ilang mga bihirang sitwasyon, ang pangunahing circuit breaker o mga fuse ay maaaring nasa silid ng utility, sa banyo, sa kusina o sa aparador. Gas Para mapatay ang gas, ang balbulang patayan (shutoff valve) ay kailangang iikot sa patayong posisyon papunta sa pahigang posisyon. Ang mga metro para sa mga gusaling maraming nakatira (multiple dwelling buildings) ay may pangunahing balbulang patayan (master shutoff valve) at may kanya-kanyang balbula ang bawat isang indibidwal na metro. Posibleng patayin ang gas ng isang apartment nang hindi napuputol ang serbisyo sa ilang bahagi ng gusali. Ang dami ng mga apartment na sineserbisyuhan ay kailangang malapit sa bawat metro. Babala: Kung papatayin mo ang gas sa metro, iwanang patay ito. Huwag mo itong bubuksan ulit nang sarili mo lamang. Tumawag ng isang lisensiyadong tubero (plumber) o ng isang taga-SDG&E para buksan ito ulit at paliwanagin ulit ang mga pilot. Kuryente Ang pinakamagandang paraan ng pagpatay ng kuryente sa inyong bahay ay ang ibaba ang hawakan sa “off” na posisyon at ipaling ang lahat ng mga circuit breaker sa “off”. Ano ang gagawin kapag may kagipitan Maging handa. Huwag magkagulo. Isulat ang numerong ito ng SDG&E kapag may emergency, sa lugar kung saan mo man inilalagay ang mga numero ng telepono ng pulis, ng bumbero, at iba pa, 1-800-611-SDGE (7343). Sunog dahil sa kuryente: HUWAG KAHIT KAILAN gagamit ng tubig para patayin ang sunog na ang sanhi ay kuryente. Alisin sa saksak ang kasangkapan kung magagawa mo ito nang ligtas, at gumamit ng pamatay-sunog o fire extinguisher o baking soda. Mga Nahulog o Nakalawit na Linya ng Kuryente: Huwag hahawakan at lumayo sa mga ito! Tumawag sa 911 at sa SDG&E. Bigyan ng babala ang iba para makalayo rin sila sa mga ito. Aksidente sa kotse: Kung mababangga ng isang kotse ang isang poste ng kuryente, at itinumba ang mga linya o nasira ang tangke ng gas, tumawag kaagad sa 911 at sa SDG&E. Huwag kahit kailang susubuking buksan ang

pintuan ng kotse kung may mga nakapalibot ditong buhay na kawad ng kuryente. Maaari kayong makuryente! Kung tumutulo ang gas, huwag paaandarin ang kotse sapagkat baka magkaroon ng pagsabog. Gayundin, tandaan na huwag magsisigarilyo o gagamit ng anumang bagay na may bukas na apoy o may sindi (gaya ng mga pasindi o flare). Shock o Nakuryente: Huwag hahawakan ang tao na nakuryente o ang kagamitang may kuryente. Kung maaari, gawin ito nang may pag-iingat, patayin ang kuryente. Ang isang sanay na taga-sagip (trained rescuer) na gaya ng isang bumbero o isang manggagawa ng SDG&E ay ang mga pinakamahuhusay na makapagpapalaya sa isang tao na nakuryente, o sa kagamitang may kuryente. Hindi mo dapat tangkaing kuhanin ang biktima mula sa mga buhay na kawad ng kuryente o hindi mo dapat hawakan ang kagamitang may kuryente, maliban na lamang kung mayroon kayong angkop na kasanayan para gawin ang ganito. Kailangang ipalagay ninyo na ang lahat ng kawad ng kuryente ay “buhay” o energized maliban na lamang kung: May personal kayong kaalaman na ang mga iyon ay hindi konektado at ang mga kawad o circuit ay grounded; at ang mga ito ay hindi maiikonekta nang hindi ninyo nalalaman. Kapag wala nang nakakalat na kawad o ayos na ang kasangkapan, tumawag sa 911 para sa dagliang tulong-medikal. Panatilihing nakahiga ang biktima at hindi nalalamigan. Kung ang mukha ng biktima ay mamumutla, iangat nang bahagya ang mga paa; kung ang mukha ng biktima ay mamumula, panatilihing naka-angat nang bahagya ang ulo. Kung hindi humihinga, lapatan ng CPR o cardiopulmonary resuscitation. Kaligtasan sa inyong atik Kung maayos ang pagkakalagay, sa mga maluluwag na insulasyong pampuno sa atik (loose-fill attic insulation), makakapagtipid nang kuryente nang ligtas. Pero kung hindi maayos ang pagkakalagay, maaaring maging sanhi ito ng posibleng panganib sa kaligtasan. Kung mayroon kayong loose-fill insulation na nakakabit o kung ginagamit ninyo ang inyong atik bilang bodega, palagian itong tingnan at suriin upang matiyak na walang panganib. Tiyakin na ang insulasyon ay hindi mapapadikit sa anumang bagay na lumilikha ng init, gaya ng lalagyan ng ilaw (light fixture), pausukan (chimney) o transformer ng doorbell. Kailangan ang minimum o pinakamababang tatlong pulgada ng pahalang na layo o pagitan (horizontal clearance) at 11 pulgada ng patayong layo o pagitan (vertical clearance) sa itaas ng insulasyon. Gayundin, ang insulasyon ay dapat na malayo sa lahat ng mga hubad na gulong, mga kawad-kawad, mga dahon, at mga daluyan ng hangin ng atik (attic vent). Makakagamit ka ng malillit na bloke ng kahoy upang matiyak na ang insulasyon ay malayo sa anumang pinanggagalingan ng init. Makipag-ugnayan sa kontraktor ng inyong insulasyon para kayo ay matulungan kung mayroon kayong anumang katanungan tungkol sa inyong instalasyon o pagkaka-kabit. Mga lindol at enerhiya Kung may lindol, ang mga linya ng gas ay maaaring maputol at ang mga linya ng kuryente ay maaaring mahulog o lumawit. Pagkatapos ng isang lindol, lumayo sa mga nahulog o natumbang linya at maging alerto sa mga singaw o tulo ng gas. Maaaring mangailangan ang mga tauhang pang-emergency nang matagal na panahon para makumpuni ang lahat ng mga napinsala o nasira, kaya’t maging mapagpasensiya. Sa buong bahay ninyo, patayin lamang ang gas sa metro kung makakaamoy kayo ng natural na gas. Kung papatayin ninyo ang gas, huwag tatangkaing buksan ito ulit — tumawag ng isang lisensiyadong tubero (plumber) o isang taga-SDG&E upang siyang magbukas nito at paliwanagin ulit ang lahat ng mga pilot. Ang pagpapatay ng kuryente sa mga circuit breaker o sa mga kahon ng fuse ay maganda ring ideya kung walang pinsala sa inyong tahanan. Ang mga lindol ay maaari ring maging dahilan upang ang mga heater na hindi maayos ang pagka-kabit ay gumalaw o bumaligtad. Upang makatulong na maiwasan ang ganito, itali (strap) ang mga ito nang maigting sa mga kabitan sa dingding (wall stud) sa dalawang lugar — ang itaas at ibabang unag-katlo ng tangke — gamit ang mabibigat na bolt at tape na metal. Tiyakin na ilalagay ang strap sa ibaba, sa hindi bababa sa apat na pulgada sa itaas ng pang-kontrol ng mga termostat. Ang mga kit ay karaniwang nabibili sa mga tindahan ng hardware sa inyong lugar. Hinihingi ng estado ng California na ang lahat ng bago at ipinampalit na heater ng tubig ay kailangang naka-tali o naka-strap upang malabanan nito ang paggalaw.

Kaligtasan sa portabol na generator Huwag kahit kailan ikokonekta ang isang bitbitin na de-kuryenteng generator o ikokonekta ang isang motorhome/RV generator sa sistema ng kuryente ng inyong bahay kapag namatay ang kuryente. Sa ilalim ng batas, responsibilidad ninyo ang tiyakin na ang elektrisidad ng inyong generator ay hindi magpi-feed back sa mga linya ng kuryente ng SDG&E. Kung hindi ninyo matitiyak ito, maaari itong makasakit/makasugat nang malubha o kaya’y maging dahilan ng pagkamatay. Kung ang isang generator ay kailangan para sa operasyon sa inyong tahanan o para sa negosyo, ipaalam po ito sa SDG&E sa 1-800-411-SDGE (7343). Para sa karagdagang impormasyon Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa kaligtasan o impormasyon tungkol sa mga produktong matipid sa kuryente at sa mga serbisyo, pakisuryong tawagan kami sa 1-800-411-SDGE (7343). Para sa mga kustomer na may kapansanan sa pagsasalita at pandinig, matatawagan ang TDD/TTY sa loob nang 24 na oras araw-araw, pitong araw sa isang linggo, sa 1-877-889-7343. Maaari rin kayong mag-e-mail sa amin sa [email protected] o pumunta sa aming Web site sa www.sdge.com. Ang SDG&E ay nangangako na magkakaloob sa inyo nang ligtas, maaasahang enerhiya at napakahusay na serbisyo sa kustomer.

© 2008 San Diego Gas & Electric Company. Reserbado ang lahat ng mga karapatan ukol sa karapatang-ari at tatak-kalakal.