Saliksik E-Journal - Bagong Kasaysayan, Inc

ni Anderson ang mga nobela ni Rizal sa mga tala ng bayani hinggil kay Antonio de ..... panahon at punto ng kasaysayan kung saan ito ipinanganak. ... t...

70 downloads 793 Views 397KB Size
Saliksik E-Journal

Tomo 3, Bilang 2 | Nobyembre 2014

Rebyu Guillermo, Ramon G. 2009. Pook at Paninindigan: Kritika ng Pantayong Pananaw. Quezon City: University of the Philippines Press. Guillermo, Ramon G. 2009. Translation and Revolution: A Study of Jose Rizal’s Guillermo Tell. Quezon City: Ateneo de Manila University Press. Benjamin, Walter. 2013. Hinggil sa Konsepto ng Kasaysayan. Tsln. Ramon G. Guillermo. Quezon City: High Chair.

HINGGIL KAY GUILLERMO U Z. Eliserio, Ph.D. Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas University of the Philippines - Diliman, Quezon City

Bilang handog kay Andres Bonifacio, nais ko ritong magbahagi ng ilang tala tungkol sa iskolar at aktibistang si Ramon Guillermo. Ano? Pagdadada tungkol sa akademiko, imbes na pagpupugay kay Bonifacio? Pagsasatsat tungkol sa mga libro imbes na diskusyon tungkol sa Supremo ng Katipunan? Pagsusulat—imbes na himagsikan? Pero, sandali lang, at oo. Ninuno ng gurong si Guillermo si Bonifacio, at nananalaytay sa kanyang dugo ang pagnanasang itatag ang bayang Pilipinas na para sa mga Filipino. Bilang founding member ng Congress of Teachers/Educators for Nationalism and Democracy at National President ng All UP Academic Employees Union, isinasabuhay ni Guillermo ang paghahangad ng kalayaan at kasarinlan na isinasakatawan ni Bonifacio. At tungkol naman sa diskusyon mga libro—bakit hindi? Ang mga ito’y sandata, at ang pagiisip ay masyadong importanteng tereyn para isuko sa mga manlulupig. Alam ni Bonifacio ito, tingnan na lamang ang Kalayaan. Ang pagsusulat ay pagpapatuloy ng himagsikan sa ibang paraan.

344 ELISERIO: Hinggil kay Guillermo

Saliksik E-Journal

Tomo 3, Bilang 2 | Nobyembre 2014

May tatlong bahagi ang sanaysay na ito. Una ay pagsusuri ng salin ni Ramon Guillermo ng Hinggil sa Konsepto ng Kasaysayan ni Walter Benjamin. Pangalawa ay ilang tala tungkol sa apat na iskolar ng pagsasalin, na magbibigay-paliwanag sa mga layunin at pagpapalagay ng araling salin (translation studies). Pangatlo ay sinoptikong pagbabasa ng Pook at Paninindigan at Translation and Revolution ni Guillermo, na magsisilbing lunsaran para sa presentasyon ng vaytalist na pilosopiya ng wika. Paunawa sa mambabasa: ang papel na ito ay pagtatangka. Isinasakatawan ng teksto ang ideolohiya nito. Ang anyo ang nilalaman. Ito naman talaga ang kaso sa lahat ng gawa, pero nais ko lang bigyang-diin dito ang katotohanang ito. [Para sa inspirasyon sa ganitong uri ng pagsusulat, tingnan ang kabanatang “Himala, ‘Miracle’ (salamat sa pagsalin), The Heretical Potential of Nora Aunor’s Star Power” sa Fantasy-Production ni Neferti Tadiar (2004, 225-260)]. Bago tayo pumunta sa salin mismo ni Guillermo ng Hinggil sa Konsepto ng Kasaysayan ni Benjamin (2013), may tatlong kataka-takang paratekstwal na katangian ang likha na kailangang pagmuni-munihan. Una, hindi akademikong pablisher ang naglabas ng aklat, kundi High Chair, grupo ng mga makatang naglathala isang dekada na ang nakalilipas ng koleksyon ng mga tula ni Guillermo, ang Agaw-Liwanag (Guillermo 2004), bilang bahagi ng kanilang Chapbook Series. Wala nang paglalarawan ang High Chair sa sarili sa loob ng Hinggil, pero sa kapirayt peyj ng Agaw-Liwanag, mababasa ito: “High Chair is a nonprofit small press. We publish our poems and those of others we believe in, and initiate projects that promote poetry in general.” Sa kanilang website (highchair.com.ph), idinedeklara nilang ang kanilang layunin ay “to promote genuine interest in poetry in the Philippines.” Tula bang maituturing ang Hinggil, makata bang maituturing si Benjamin? Sa Agaw-Liwanag, nagsalin na rin si Guillermo, bahagi ng tula ni Rainier Maria Rilke, Die Neunte Elegie. Kaso ba si Guillermo ng malikhaing manunulat na napariwara’t napadpad sa akademya? Makatang naudlot at naging iskolar? Hindi ito paglalaro lamang, dahil sa introduksyon ni Benedict Anderson sa libro, may pamagat na “Walter Benjamin,” ibinida ni Anderson ang “marikit, matulain, at minsa’y nakapipinsalang prosa” ng Aleman (Benjamin 2013, 11, akin ang diin). Ikinumpara pa nga ni Anderson ang mga nobela ni Rizal sa mga tala ng bayani hinggil kay Antonio de Morga. Maaari raw basahin nang paulit-ulit ang mga nobela, samantalang “impormasyon” lamang ang mayroon sa tala (kay Anderson ang mga scare quote). Bakit kailangang idiskas si Anderson sa pagrerebyu ng salin ni Guillermo sa gawa ni Benjamin? Pero, at ito na ang ikalawang kataka-takang katangian ng librong ito, bakit nga ba kailangan ang introduksyon ni Anderson?

345 ELISERIO: Hinggil kay Guillermo

Saliksik E-Journal

Tomo 3, Bilang 2 | Nobyembre 2014

Mula sa orihinal (banyaga) na Aleman ang salin ni Guillermo, mula sa “Über den Begriff der Geschichte” imbes na sa “On the Concept of History” (o “Theses on the Philosophy of History”). Walang mediasyon ng Ingles, kumbaga, ang produktong ito. Mas makakatawid, pinapalagay, ang mga ideya ni Benjamin, direkta sa wikang Filipino. Kung gayon ay bakit pa kailangan si Anderson? Para magbigay ng lehitimasyon sa proyekto ni Guillermo? “Puti akong nagsasabing nahuli ni Guillermo ang pinagsasabi ng kapwa ko puti.” Buti sana kung Alemang marunong magfilipino ang maginoong ito, pero minsan ang may kultural na kapital ang may kultural na kapital. Hindi naman ito pang-uusig sa pagkatao ni Anderson (o ni Guillermo, at mas lalo nang ni Benjamin!!!), kundi ekspresyon ng panghihinayang. Hindi matatakasan ng kahit anong salin sa Filipino ang maging bahagi ng isang makabayang proyekto (kahit, kung gayon, ang salin ng Fifty Shades of Grey ay nashonalist), bakit hindi pa tinuloy-tuloy? O hindi nga ba? Sa libro, katapat ng pahina ng Aleman ni Benjamin ang Filipino ni Guillermo, at katapat ng Ingles ni Anderson... ang Filipino ni Om Narayan Velasco. “Bakit pa kailangang magsalin sa Filipino?” itatanong ng mga nagmamahal sa imperyalismo, “may mga salin na naman kay Benjamin sa Ingles, at marunong na tayong mag-Ingles?” Marunong nga ba? Ito ang punto ng salin ni Velasco sa introduksyon ni Anderson. Hindi tayo marunong mag-Ingles. Hindi natin kailangan ng Ingles. Meron tayong mga eksperto sa Ingles na magrerender sa orihinal (banyaga) ni Anderson papunta sa mas marikit na wika, ang Filipino. Yutopyan ang bahaging ito ng libro, pinapangarap ang isang araw ay kasing kakaiba na ng Ingles ang Aleman, at ang Filipino na ang ating tahanan. (Sa puntong ito ng papel ay napanghahalata na sigurong hindi ako marunong mag-Aleman.) Ipagpapatuloy ang labanan ng banyaga at Filipino sa ikatlong katangiang nais kong bigyang-diin bago pumunta sa salin mismo. Hindi maihihiwalay ang Hinggil ni Benjamin sa Angelus Novus ni Paul Klee, at matatagpuan ang larawan sa libro. Pero ang pabalat nito’y “L’historie,” na mula raw sa Iconologie nina H.F. Gavelot at Ch.N. Cochin [kung sinoman ang mga punyetang ito, hindi man lang nga yata mga pintor (ayon kay Guillermo, maaaring ito at hindi ang Angelus ang inspirasyon ni Benjamin para sa sikat na linya tungkol sa bagyong tinatawag nating pag-unlad)]. Paratext ng salin, nagsisilbing epigraf, ang sipi mula sa Kahapon, Ngayon, at Bukas ni Aurelio Tolentino, at sa huling bahagi nito’y makakatagpo ng larawan, pichur ng mga Filipinong minasaker ng mga sundalo ng Estados Unidos. Ayon sa kapirayt peyj ito ay “Filipino casualties on the first day of Philippine-American War. Original caption is ‘Filipino soldiers dead just as they fell in the trench near Santa Ana, February 5th. The trench was circular, and the picture shows but a small portion,’” mula sa U.S. National Archives Photo No. 111-RB-1037. Dalawang mata, kung gayon, isang nakatingin sa Kanluran (Benjamin, Anderson, Klee), at isang nakatingin dito sa atin (Guillermo, Velasco, Tolentino). Kasaysayan at mga patay 346 ELISERIO: Hinggil kay Guillermo

Saliksik E-Journal

Tomo 3, Bilang 2 | Nobyembre 2014

na Filipino. Hindi ibig sabihin nito’y mahihirapang makakita, masdan na lamang ang palaka. Hindi na lang salin ang salin ni Guillermo, hindi na lamang ito tula mula sa High Chair o matulaing prosa ni Benjamin. Ito ay dokumento ng kultura, at kung gayon—kailangan pa bang imemorize yan?—dokumento ng barbarismo. Pero bago natin rebyuhin ang Hinggil, kailangan muna nating itanong, “Paano nga ba magsalin?” “Ano nga ba ang pagsasalin?” “Bakit nga ba tayo nagsasalin?” Para masagot ang mga tanong na ito’y magbibigay ako ng ilang tala tungkol sa apat na iskolar ng pagsasalin. Si Friedrich Schleiermacher ang pinakamahalaga, pero may importanteng punto rin sila Hans Vermeer, Andre Lefevere, at Itamar Even-Zohar. Si Friedrich Schleiermacher ay Alemang pilosopo at iskolar ng Bibliya, na nabuhay mula 1768 hanggang 1834. Ang kanyang mga sulati’y isa sa mga pundasyon ng hermeneutics, ang agham ng interpretasyon. Ayon kay Terry Eagleton (2006, 23), nagsimula ang interes ni Schleiermacher sa interpretasyon nang imbitahan siyang isalin ang An Account of the English Colony in New South Wales, na paglalarawan sa engkwentro ng mga kolonisador at Aborigines. Bagaman siglo ang namamagitan sa atin at kay Schleiermacher, marami pa rin siyang importanteng sinabi tungkol sa pagsasalin na may halaga para sa Pilipinas ngayon. Para kay Schleiermacher, wikang maituturing ang iba’t ibang dayalek sa isang bayan, pati na rin ang iba’t ibang bersyon ng isang wika sa paglipas ng mga siglo (isipin, halimbawa, ang Tagalog ng mga nobelista sa Pilipinas mula sa unang mga dekada ng 1900 at ang Tagalog ngayon). Patuloy pa niya, kahit ang mga magkababayan na magkaiba ang uri’y magkaiba ang wikang ginagamit (Schleiermacher 1992, 142). Dadalhin niya sa lohikal na kongklusyon ang meditasyong ito’t sasabihing kahit ang dalawang magkakababayang pareho ang uri, edukasyon, at iba pang katangia’y magkaiba pa rin ang wika. Kung hindi man ibang salita ang gagamitin ng isang tao, iba ang bibigyan niya ng diin. Kahit ang parehong salita’y iba ang kahulugan sa magkaibang bibig. Maigting na pinapahalagahan ni Schleiermacher ang kapangyarihan ng indibidwal na nagsasalita at nagsusulat (Schleiermacher 1992, 143, 145-147, 160). Nakasalalay ang diskusyon ng pagsasalin ni Schleiermacher sa tatlong set ng salungatan. Ang mga ito’y komersyo at iskolarship, parafreys at imitasyon, at ang para sa kanya’y dalawang uri ng pagsasalin. Hindi isyu para kay Schleiermacher ang pagsasalin ayon sa letra at pagsasalin ayon sa espiritu ng teksto. Ang pinagkakaabalahan niya’y kung para saan ang pagsasalin. Kung ito’y para sa komersyo, ang nagaganap ay interpretasyon. Sa larangan lamang ng 347 ELISERIO: Hinggil kay Guillermo

Saliksik E-Journal

Tomo 3, Bilang 2 | Nobyembre 2014

iskolarship at sining, kung magiging estrikto sa terminolohiya, kinakailangan ang pagsasalin (Schleiermacher 1992, 143). Nilalaman ang priyoridad sa komersyo, kung kaya’t interpretasyon ang namamayani sa larangang ito. Ito nga dapat ang gamitin, para sa mabilis at madulas na pagdaloy na lang ng impormasyon. Sa isang lektyur sa klase, inusig ni Dr. Pamela Constantino ang paggamit ng “storm surge” sa pagbibigay-babala tungkol sa bagyong Yolanda. Kung, halimbawa, “mala-tsunami” ang paglalarawang ginamit, naniniwala si Constantino na mas naghanda ang mga naging biktima sa Tacloban. Magkasing-halaga, kung gayon, ang interpretasyon at pagsasalin. Walang hiyarkiya ang salungatang ito. Magkaibang larangan sila, kaya nga, ayon kay Schleiermacher, magtataka raw tayo sa isang tagasalin ng mga balita na nais kilalanin bilang manlilikha ng sining (Schleiermacher 1992, 143). Bumabalik tayo rito sa pahayag ni Schleiermacher tungkol sa pagkakaiba ng mga wika. Kung hindi, parang pangkomersyo lamang lahat ng pagsasalin (i.e., dahil nilalaman lang ang kailangang iparating. Mayroon pa sa wika lampas sa nilalaman kung kaya’t hindi lang interpretasyon ang kinakailangan. Kung ano ito ay ilalahad at ididiskas sa ibaba. Kaugnay ng unang salungatan ang salungatang parafreys at imitasyon. Ang parafreys ay sa iskolarship, ang imitasyon naman ay sa sining. Naniniwala ang nagpaparafreys na kaya niyang ipahayag ang nasabi sa isang wika sa ibang wika sa pamamagitan ng pagpapaliwanag at pagpapalawig. Dagdag-bawas, ika nga. Pero para kay Schleiermacher, may namamatay sa teksto sa pagpaparafreys dito, ang impresyon ng orihinal. Ang impresyong ito naman ang sinusubukang ulitin sa imitasyon. Sa imitasyon, tinatangkang maramdaman ng mambabasa ng salin ang nararamdaman ng nagbabasa ng orihinal. Dito na tayo pumapasok sa kung ano ang nasa wika na mas higit pa sa nilalaman. Sinabi ni Schleiermacher (1992, 145-146) na hinuhugis ng indibidwal ang kanyang wika, pero sinabi rin niyang dinodomina ng wika ang tao. Magbibigay ako ng isang malikhaing halimbawa. Kunwari’y sa kanyang paggagalugad sa Prusya’y may nakilala si Schleiermacher na magandang dilag. At mula nang sila’y unang magtagpo, lagi na lang niyang iniisip ang babaeng ito. Hindi siya makakain, hindi siya makatulog. Ano ang kanyang nararamdaman? Pag-ibig ba ito o crush lang? Pagmamahal o obsesyon? Magkaiba ang pag-ibig sa crush, at hanggang hindi pumapasok ang “crush” sa wikang Filipino, wala ito sa sansinukob ng pagpapakahulugan ng mga Filipino. [“Crush is paghanga,” sabi ng isang tauhan sa Last Order sa Penguin (Martinez 2003, 30)], at nakakatawa ito dahil alam ng mambabasa at manonood ng dula na hindi nga “paghanga” ang “crush.”) Para kay Schleiermacher, mayroon mga kaisipang isang tao lang ang makakaisip, at mayroong kaisipang isang espisipikong wika lang maiisip (Schleiermacher 1992, 146-147).

348 ELISERIO: Hinggil kay Guillermo

Saliksik E-Journal

Tomo 3, Bilang 2 | Nobyembre 2014

May dalawang uri ng pagsasalin para kay Schleiermacher (1992, 149). Sa una, pinapalapit ang awtor sa mambabasa, at sa pangalawa naman ay ang mambabasa ang pinapalit sa awtor. Halimbawa niya, kung nagsasalin mula sa Latin papunta sa Aleman, sa unang metodo, para bang sa Aleman mismo isinulat ang teksto (Schleiermacher 1992, 150). Ang nangyayari rito, may nawawala, kasi nga may mga nasasabi at naisusulat sa Latin na hindi pwedeng isulat sa Aleman. Kunwari, nagsalin ako mula Aleman papuntang Filipino. Sa Aleman, may kasarian ang mga pronawn. Kung gayon, pwedeng tumukoy si Schleiermacher halimbawa sa dalawang bagay at tawaging “er” ang isa at “sie” ang isa. Pero pag pinagsulat ko siya sa Filipino, ito pareho iyon, at kailangan kong magdagdag ng marker para hindi malito ang aking mambabasa. Maaari ko rin namang hatiin ang pangungusap ni Schleiermacher. Hindi gusto ni Schleiermacher ang unang metodo (Schleiermacher 1992, 162). Ang nais niya ay kainin ng Aleman ang mga wika ng Europa upang mapayaman ito bilang wika. Halimbawa, sa Aleman, pag may dalawang magkasunod na verb, mapupunta sa dulo ng pangungusap ang ikalawa. Ang “Ich will nicht allein immer essen” ay “Hindi ko gustong mag-isa laging kumain” imbes na “Hindi ko gustong kumain laging mag-isa,” kahit pwede naman, para malagay ang verb sa dulo. Isa pang halimbawa: imbes na “Tama ka” para sa “Du hast Recht, ” gamitin natin ang uso ngayong “May tama ka. ” Sa konteksto ng kanyang pag-aaral sa salin ni Rizal kay Schiller, tinawag ni Guillermo, alinsunod kay Schleiermacher, ang unang metodo ng pagsasalin bilang “Tagalizing,” at “Germanizing” naman ang ikalawa. Para sa kanya, tinagalog ni Rizal ang Aleman, imbes na alemanin ang Tagalog (Guillermo 2009b, 15). May sosyolohikal na aral na mapupulot si Guillermo dito, na siyang babalikan sa gitnang bahagi ng aking sanaysay. Sa ngayon, tumungo muna tayo sa mga sanaysay ng tatlo pang iskolar ng pagsasalin, ang “Skopos and Commission in Translational Action” ni Hans Vermeer, “Mother Courage’s Cucumbers: Text, System, and Refraction in a Theory of Literature” ni Andre Lefevere, at “The Position of Translated Literature within the Literary Polysystem” ni Itamar EvenZohar. Pinapahalagahan ko ang kay Vermeer bilang tagasalin, at ang huling dalawang sanaysay bilang mag-aaral ng salin at bilang manunulat. Mahalaga ang sanaysay ni Vermeer at ang paggamit niya ng “skopos” dahil dinidismis nito ang napakaraming agam-agam bilang hindi na isyu. Mula pa man kay Schleiermacher ay argumento na na mas may mahalagang kailangang sagutin lampas sa pagiging tapat sa titik at pagiging tapat sa espiritu. Pero kay Vermeer (2000, 221-232) kasi ang sistematiko at mapagpalayang argumento laban sa dalawahang ito. Sa pagsagot ng “Ano ang layunin ng salin?” at “Para kanino ang saling ito?,” nagiging simple ang mga bagay. Halimbawa, nang isalin ko ang isang sanaysay ni Friedrich Nietzsche (mula sa saling Ingles) bago mabasa ang sanaysay ni Vermeer, nagkaroon ako ng problema sa salitang “ressentiment” (lalo na’t ginawa itong “resentment” ng isang editor sipiin ko ang teksto ni Nietzsche ilang taon na ang nakalilipas para sa artikulo ko sa isang journal). Sa simula’y sinubukan 349 ELISERIO: Hinggil kay Guillermo

Saliksik E-Journal

Tomo 3, Bilang 2 | Nobyembre 2014

kong iwan sa Pranses ang “ressentiment” dahil nga binibigyang-diin ng lahat (mula sa nagsalin sa Ingles kay Nietzsche na si Walter Kaufmaan, hanggang sa mga iskolar na babad sa kanyang juvenilia at nachlass) na susing salita ito sa kanyang pilosopiya. Itinanong ng aking gurong si Dr. Nilo Ocampo kung may naisip akong ibang katumbas para rito, at sabi ko’y opsyon din ang “hinanakit” at “sama ng loob.” Sa pinakahuli kong bersyon, “sama ng loob” ang gamit ko. At ngayong nabasa ko na si Vermeer, kung sakali mang malathala ang salin ko ng sanaysay ni Nietzsche, papanatilihin ko nga ang “sama ng loob” dahil alam ko kung sino ang nagkomisyon ng salin (ako) at kung bakit kinomisyon ito (para ipakilala ko si Nietzsche sa mambabasang Filipino sa wikang Filipino). Bakit ko nga naman papanatilihin pa ang salitang Pranses na kakailanganin pang bigyangkahulugan at baka magsilbi pang harang sa pagbabasa ng teksto? Lampas sa katapatan kay Nietzsche, kailangan kong maging tapat sa aking salin. [Tingnan ang Barbaza (2009, 107-120) para sa makamandag na artikulasyon ng punto de bistang ito.] Ang maganda kay Vermeer, hindi kailangang ang mambabasa ang laging prayoriti. Sinabi niya nga na may saysay ang pagsasalin nang salita-para-sa-salita. Halimbawa kung ang skopos ng Sali’y eksaktong paggaya sa “source text syntax” o “source text structure.” (Pumapasok dito ang interes ko bilang manunulat, na ididiskas ko sa ibaba.) Ang punto lang ni Vermeer, basta ba alam ng nagsasalin ang kanyang ginagawa. Pinaka-useful si Vermeer dahil nabubuksan niya ang aking pangkalahatang proyekto bilang tagasalin sa paggamit ng mga konsepto ng ibang babasahin sa mga paraang baka hindi nila naisip. Ang parafreys ni Schleiermacher, ang dynamic translation ni Eugene Nida, pati ang mga random na pagmumuni-muni ni Ramon Jakobson tungkol sa linggwistiks, lahat ng ito’y pwede na ngayong ideploy bilang mga gamit sa pagsasalin. Ang kailangan na lang ay layunin. Katulad ng sanaysay ni Vermeer, nagustuhan ko ang mga sanaysay ni Even-Zohar at Lefevere dahil naeeneybol nila ako na gawin ang akala ko noo’y bawal. Sa totoo, binago nga nila ang perspektibo ko sa tinatawag ko noong “pangit” na salin. Galit na galit kasi ako noon sa salin ng Precious Hearts Romance sa seryeng Twilight, Hunger Games, at Fifty Shades of Grey. “Tamad” at “mali-mali” at, higit sa lahat, “hindi sineryoso” ang tawag ko sa mga salin. Ngayon, pagkatapos mabasa si Lefevere (2000, 223-249), imbes na laitin ang mga salin, nabigyan ako ng mas produktibong proyekto. Nagkaroon ako ng bagong tanong: “Bakit ganito ang pagkakasalin?” Halimbawa, nang marinig na hindi isinalin ang “witch” sa “bruha” para sa Harry Potter and the Sorcerer’s Stone (mula sa Lampara), naasar ako. Ngayon, pwede na itong pagmuni-munihan at gawing paksa ng mas kritikal at produktibong papel. Hindi na lang ako nakagapos sa pagrereklamo. At pwede nga akong gumawa ng mas tapat na salin na magsisilbing kritisismo sa lumabas nang bersyon. Pwede ko itong tawaging Si Harry Potter at ang Agimat ng Pilosopo (sa pamagat palang kritisismo na ito, dahil una, pinanatili sa Ingles ang pamagat sa salin, at pangalawa, ang 350 ELISERIO: Hinggil kay Guillermo

Saliksik E-Journal

Tomo 3, Bilang 2 | Nobyembre 2014

bersyon ng Scholastic mula sa Amerika imbes na Bloomsbury ng Inglatera ang ginamit na source text). Nakatulong talaga si Lefevere sa mga balak ko bilang iskolar ng pagsasalin (iba pa ito sa pagiging tagasalin mismo). Walang huling bersyon ng isang salin, dahil may dahilan kung bakit ganito ang naging salin ng ganitong teksto, depende sa lugar at panahon at punto ng kasaysayan kung saan ito ipinanganak. Ito rin ang paniniwala ni Guillermo pagdating sa pag-aaral ng salin. Sa kanyang Translation and Revolution, pag-aaral ng salin ni Rizal sa Wilhelm Tell ni Friedrich Schiller, sinabi ni Guillermo na ang pag-aaral sa pagkakaiba ng kaisahan ng orihinal at salin ay makakatulong sa pag-aaral ng mga interaksyong linggwistik at kultural (Guillermo 2009b, 217). Imbes na pulaan si Rizal dahil isinalin ng huli ang “Natur” ni Schiller bilang minsan “loob,” minsan “buhay,” minsan “pagkatao,” (at tatlo pang ibang salita), ito ang naging puso ng pag-aaral ni Guillermo (2009b, 172-214). Binuksan naman ni Even-Zohar ang imahinasyon ko. Dito’y hindi lang bilang tagasalin, o bilang iskolar ng pagsasalin, kundi bilang manunulat ang aking lapit. Kahit na andergrad pa lang, interesado na ako sa pagsasalin, namana ko ang bayas laban dito, ang pagtingin na hindi ito kasing-halaga ng “orihinal” na pagsusulat. Nakaangkla ang ganitong prejudis sa ideolohiya ng awtor, bilang henyo, at gawa (“work”) na kompleto imbes na pirapirasong teksto. Kaya hindi ko nakita na maaari palang magkaroon ng impluwensya ang mga salin sa panitikan ng isang bayan [ang tinatawag ni Even-Zohar na “literary polysystem” (Even-Zohar 2000, 192-197)]. (Syempre pa, hindi ko natantong pati ang paraan ko ng pag-iingles ay apektado ng pagbabasa ko ng mga salin sa Ingles ng mga Amerikano’t Briton.) Kung pagdudugtungin ang dalawang paksang ito, naiimajin ko ang isang sampung taong gulang na may espiritu ng panitikan, na sa paghahanap ng susunod na mababasa’y bibili ng salin sa Filipino sa National Book Store. Maisasapuso niya ang uri ng panitikang likha ng salin na ito, na magiging malaking impluwensya sa paglikha ng kanyang mga nobela. Para itong kaso ng anime, kung saan malaki ang mga mata ng mga tauhan, dahil ang ama ng anime (na Hapon) nagustuhan ang mga kartun mula sa Estados Unidos. Sasabihin ng historyador ng hinaharap, a, kaya pala mahilig ang mga Filipino sa purple prose, dahil sa salin ng Mills & Boon, dahil sa salin kay Stephenie Meyer! Hindi ito biro. Ang imahen ko ng panitikan ay monster, monster ng salita, kung saan may lugar ang “binear hug,” at kasama ang pagsasalin sa paglikha ng monster na ito. Inaasahang naipakita ng mga tala sa itaas na hindi simpleng usapin ang pagsasalin, at marami itong isyu na binubuksan at kailangang galugarin. Hindi ito simpleng hagdan lang na pwedeng iwan pagkatapos akyatin. Ang araling salin ay sentral sa kahit anong proyektong intelektwal ng isang bayan. Si Guillermo ay isa sa mga nangungunang iskolar ng araling salin sa Pilipinas. Bukod dito, siya rin ay praktishoner ng pagsasalin. Bukod dito, iskolar din siya ng Araling 351 ELISERIO: Hinggil kay Guillermo

Saliksik E-Journal

Tomo 3, Bilang 2 | Nobyembre 2014

Filipino. Syempre may ugnayan ang tatlong sabjek posisyon na ito. Anong klaseng mangingisip si Guillermo? Malalaman ang kalooban ng isang tao sa kanyang mga kaaway. Malutong, halimbawa, ang mga puna ni Guillermo kay Prospero Covar sa kanyang “Pagkataong Pilipino: Isang Teorya sa Lalim ng Banga” (apendise ito sa Guillermo 2009a, 133-150). Inatake ni Guillermo ang pagsupil ni Covar sa isyu ng kasarian (Guillermo 2009a, 139), ang eskema ni Covar ng dalawahang salungatan (Guillermo 2009a, 143), at ang pagiging sabjektiv ng lapit nito (Guillermo 2009a, 145). Bilang kongklusyon, sinabi ni Guillermo na walang kapangyarihan ang teorya ng pagka-Filipino ni Covar: “Ni hindi nga ito posibleng maituro ng isang responsableng guro dahil hindi mabigyan ng batayan ang lohika ng mga asersyon. Patay na siya [ang guro, hindi si Covar] kung biglang tatanungin ng estudyante kung bakit magkatambal ang sikmura at atay” (Guillermo 2009a, 149). Binalikan nang pahapyaw ni Guillermo si Covar sa kanyang Translation and Revolution, kung saan pinuri niya ang pantayong pananaw na hindi nakakalimot sa metodo, agham, at rasyunal na argumento, kumpara kay Covar na “frustratingly schematic” at puno ng “unfounded, almost surreal apodictic claims” (Guillermo 2009b, 221). Bukod kay Covar, inusig din ni Guillermo si Leonardo Mercado [hindi “matatanggap ang mga hungkag na ispekulasyon” (Guillermo 2009a, 52)]. Ang pagiging walang basehan ang pinuna niya sa dalawang manunulat, at malapit dito ang naging punto niya laban kay Reynaldo Ileto. Para kay Guillermo, nagkakaroon ng misteryoso at mala-agimat na kapangyarihan ang salitang “loob” sa Pasyon and Revolution ni Ileto, na hindi nakasalin sa Ingles sa kanyang Ingles na libro (Guillermo 2014b, 5). Gamit ang mga sopistikadong metodo ng analisis ng mga teksto gamit ang computer, ipinakita ni Guillermo na bumubulwak sa kahulugan ang “loob,” pero sa libro ni Ileto’y naninigas ang ibig sabihin nito’t nakukulong lamang sa salamangka. Binaklas din ni Guillermo ang Pasyon and Revolution ni Ileto sa kanyang Translation and Revolution, kasama pa ang Contracting Colonialism ni Vicente Rafael. Para kay Guillermo, para sa dalawang sosyal sayantist na ito, kinailangan ng mga Filipino ang idioma ng Kanluran, ang naratibo ng tradisyong Hudyo-Kristyano, para maisawika ang kanilang mga hinaing laban sa kolonyalismo at ang kanilang pagnanasa para sa kalayaan (Guillermo 2009b, 200, 209). Ngunit, para kay Guillermo, kung pag-aaralan ang salin ni Rizal sa Wilhelm Tell ni Friedrich Schiller, mapapatunayang may sapat na bokabularyo ang mga Filipino para ipaliwanag ang kanilang nakaraan at kasalukuyan (Guillermo 2009b, 172-176, 182, 210). Ibinida pa nga ni Guillermo ang Loob: The Filipino Within ni Dionisio Miranda na nagagamit ang iba’t ibang kahulugan ng “loob” para magbigay ng sistematikong kritisismo ng kontemporaring lipunang Filipino (Guillermo 2009b, 188196). Ganito rin ang tingin niya sa Tao Po! Tuloy! ni Albert Alejo (Guillermo 2009a, 9093). Para nga kay Guillermo, ang pagbabalik sa liwanag ay pareho lang sa pagbabalik sa 352 ELISERIO: Hinggil kay Guillermo

Saliksik E-Journal

Tomo 3, Bilang 2 | Nobyembre 2014

loob (Guillermo 2009b, 214). Hindi naman natin kailangan ng bokabularyo ng liwanagdilim-liwanag dahil mayroon na tayong bokabularyo ng loob. Ngunit may paradoks dito. Kung mayroon na ang mga Filipino ng mga kailangan nila, bakit pa tayo magbabasa ng gawa ng ibang bayan? Bakit pa tayo magsasalin ng nasa ibang wika? Bago natin sagutin iyan kailangan muna nating talakayin ang pinagmumulang mga pilosopikal na pagpapalagay ni Guillermo, at magbigay ng ilang tala tungkol sa kanyang metodo. Madiin ang empasis ni Guillermo sa empirikal na datos. Kailangan daw ng mas empirikal na analisis ng mga wikang Filipino para malampasan ang mga kontribusyon ni Ileto (Guillermo 2014b, 24). Sa kongklusyon ng Translation and Revolution, isa sa mga suhestyon ni Guillermo ay ang paggamit ng “computer-aided corpus analysis techniques” at iba pang empirikal na metodo (Guillermo 2009b, 219) para sa mas produktibong pagaaral ng mga ideolohiya ng mga institusyong Filipino, at ang pamagat nga ng ikatlong kabanata ng libro ay “Some Empirical Results” (Guillermo 2009b, 63-76). Ngunit hindi ibig sabihin ay empirisist lang si Guillermo na naniniwalang ang katotohanan ng mga bagay ay self-evident at hindi na kailangan ng pagsusuri. Ito na naman ang kaibigan nating paradoks, na nagsasabing ang nag-aaral ang siyang pinag-aaralan, ang sabjek ang objek! O, sa mas mahinahon na wika ni Guillermo: “ang konstruksyon o pagbubuo ng syentipikong metalinggwahe na mgagamit bilang instrumento ng panlipunan at pangkalinangang pagsusuri at pananaliksik ay hindi isang likas na bagay lamang na matatagpuan at kusang lumilitaw mula sa mismong obhetong pinag-aaralan kundi nangangailangan ng malay na pagtatakdang-gamit ng bawat dalmat sa sistema ng pagkakaugnay-ugnay ng mga ito” (Guillermo 2009a, 21). Isang halimbawa ng sabjek-na-objek na ito ay ang bayan mismo. “Hindi matatagpuan ang isang ‘pambansang kalinangan’ na kusa na lamang umiiral tulad ng masasabing pagkakatago sa penomeno ng pagkakultura ng etnisidad; sapagkat natatag at ‘nabubuo’ ang ‘kabansahan’ sa pamamagitan ng pagsasalimbayan, pagtatagpuan, at pagtutunggalian ng mga institusyong pangkapangyarihan ng estado at ng mga kilusang pampulitika at institusyon na hindi bahagi ng estado at/o maaaring kontra-estado pa nga, masasabing may malaking papel ang malay na interbensyong pampulitika sa ‘pagbubuo’ ng pambansang kultura” (Guillermo 2009a, 38). Ang katotohanang ito’y nag-aaplay sa makrong lebel, oo, at sa maykro na rin. Isa sa mga kagulat-gulat na katangian ng Translation and Revolution ay ang mahahabang paliwanag tungkol sa pagsusuri ng mga teksto gamit ang mga computer program. Bitag sa hindi refleksiv na mambabasa at iskolar ang mito ng agham na nagsasabing kailangan lamang mag-obserba nang walang pakialam ang nag-aaral para ilantad ng karunungan ang sarili. Dahil may pagkahawig ang pagsusuri gamit ang mga computer at pisiks, sa paggamit ng mga makina, halimbawa, kaya siguro minarapat ni Guillermo na magbigay ng mahabang paliwanag kung ano ang 353 ELISERIO: Hinggil kay Guillermo

Saliksik E-Journal

Tomo 3, Bilang 2 | Nobyembre 2014

itinuturing niyang “text.” Walang natatagpuang tekstong nakakalat sa sahig na pupulutin ng iskolar para himayin. Ano nga ba ang teks? Ano nga ba ang hindi teks? “A text, therefore, represents an objective fact that is, however, never accesed ‘in-itself’ without the mediation of culture and history. The ‘automatic’ construction of a ‘first-level’ semantic network [ang tinutukoy ni Guillermo dito’y ang pinakamaliit na yunit na ipapakain sa computer para basahin nito, na, syempre, ang iskolar ang magtatakda kung ano], which is invariant in principle for all possible readers (for all times and places), is simply a myth” (Guillermo 2009b, 39, akin ang diin). Katulad din ng objek, ang sabjek ay hindi naglipana sa kung saan. Tinutuligsa ni Guillermo ang burgis na pagtingin sa tao, sa kanyang tala sa salin niya sa “Hinggil kay Feuerbach” ni Marx, bilang hiwalay sa “daigdig... sariling may nakabukod na pag-iral” (Guillermo 2009a, 158). Inuusig kung gayon ni Guillermo hindi lamang ang burgis na objektiviti, kundi ang burgis na sabjektiviti na rin. “Kaakibat ng ganitong pananaw ang palagay na ang indibidwal na tao ay ‘dumadama,’ ‘tumatanaw,’ o ‘dumudungaw’ lamang sa daigdig... na tulad niya’y ‘tapos’ at ganap na, sa halip na siya’y itinuturing na ‘nakalubog,’ ‘pinaliligiran,’ at ‘tinatalaban’ nito sa kanyang kabuuran” (Guillermo 2009a, 158, kay Guillermo ang diin). Dahil babad si Guillermo sa usapin ng lahi (ang Filipino ay nililikha) at uri (walang kapitalista at manggagawa sa labas ng kapitalismo), nais kong kumuha ng halimbawa mula sa usapin ng kasarian at sekswalidad. Halimbawa, kung may naniniwala na ang kasarian ay fluwid, at maaaring ang isang tao ay lesbyana ngayon at tuwid bukas, pinapalagay niya na may presekswal na pag-iral ang tao, na isang hakbang ang layo mula sa kasalimuotan ng sekswalidad, at malayang pumili ng kung lesbyana siya ngayon o hindi. May pagkukulang, kung gayon, ang mensahe ng “pagkakapantay-pantay” ng University of the Philippines (UP) Pep Squad sa kanilang pagtatanghal sa katatapos lang na kontest ng cheer dancing (para sa presentasyon ng liberal na interpretasyon ng Pep Squad, tingnan ang Encarnacion 2014; para sa pang-uusig sa pagtatanghal ng PEP Squad noong 2012, tingnan ang Tolentino 2012). Ano ang ibig sabihin ng pagkakapantaypantay ng mga babae at lalake, lesbyana at tuwid, bakla at tuwid? Pagkakapantay-pantay sa pagkakaroon ng libreng pabahay? Libreng edukasyon? Universal health care? Guaranteed basic income? O pagkakapantay-pantay sa palengke para bumili ng usong damit, kumunsumo ng kultura ng Estados Unidos? Kung walang tyan ang tinatawag nilang lesbyana, lesbyana pa ba ito? O hungkag ang pagkakapantay-pantay? Pormal, imbes na aktwal, na kalayaan. Ang ideolohiyang ito ng malayang tao ay siya ring namamayani sa diskurso ng elektoral na demokrasya (isang tao, isang boto), sa nito lang ay pumutok na isyu tungkol sa mga hooligan sa UP [pantay ang mga estudyanteng aktibista at si Budget Secretary Butch Abad, kaya dapat laging polite (konsultahin ang Tiglao 2014 para sa ilang datos tungkol sa isyung ito)], sa pambobomba ni US President Barack Obama sa mga sibilyan sa Gitnang Silangan sa ngalan ng human rights (para sa pilosopikal na bakgrawnd nito, tingnan ang Badiou 2013). Kung may kalayaan palang maging masama o mabuti, aba’y hindi pala kapitalismo ang problema, kailangan lang 354 ELISERIO: Hinggil kay Guillermo

Saliksik E-Journal

Tomo 3, Bilang 2 | Nobyembre 2014

maging etikal. Ang mga pagmumuni-muning ito tungkol sa epistemolohikal na preokupasyon ni Guillermo ang nagdala sa atin para muling alalahanin ang unang tanong na hinaharap ng bawat rebolusyonaryong pulitika: ano ang iyong ontolohiya? Magtataka, kung gayon, ang mambabasa, sa unang pagbabasa, ng rebyu ni Guillermo sa salin ni Zeus Salazar ng Manifesto ng Partido Komunista nina Karl Marx at Friedrich Engels. Dito’y pinuna niya ang paggamit ni Salazar ng “pamamanginoon” para sa “Herrschaft,” (Guillermo 2001, 247) sa papalit-palit pagsalin ni Salazar sa “Proletarier” bilang “proletaryo,” “proletaryado,” at “proletariat” (Guillermo 2001, 248), sa mga pagdaragdag at pagbabawas ni Salazar sa orihinal na Aleman (Guillermo 2001, 249). Sa isang banda, ito ay rebyu ng salin bilang salin. Sa isa pang banda, hindi ba’t si Guillermo (2014a) ang sumulat ng “Themes of Invention, Help, and Will: Joachim Campe’s Robinson der Jüngere in Tagalog and Bahasa Melayu Translations,” na malayo ang pinagmumulang perspektibo mula sa normatibong pag-aaral ng mga salin? Pero walang dapat pagtakhan, dahil kahit kanyang rebyu ng salin ni Salazar bilang salin, lagi pa ring nangunguna sa isip ni Guillermo ang isyu ng kapangyarihan, diskurso, pulitika, at wika, kung kaya nga’t kalahati ng maikling sanaysay na ito’y tumatalakay sa panunuligsa ni Salazar sa Marxismo bilang “unibersalistang teoryang pangkasaysayan” (Guillermo 2001, 251) at ang inisyal na pagharap ni Guillermo sa mapanghamong kritisismo ni Salazar. (Ang pangkalahatang pananaw ni Guillermo tungkol sa pantayong pananaw ni Salazar, at ang relasyon nito sa Marxismo, at iba pang bagay, ay, syempre, matatagpuan sa Pook at Paninindigan.) Ang pagsusulat tungkol sa salin ay paraan lamang para magsulat tungkol sa ibang bagay. Ngayon, sa wakas, tumungo na tayo sa salin ni Guillermo kay Benjamin. Katulad ng binanggit, mas malapit at tapat sa Aleman ang tingin ng salin na ito sa sarili. Kaya nga kaharap ng salin ang isinasalin. Hitik din ang teksto ng mga talababa, nagpapaliwanag ng mga alusyon ni Benjamin. Hindi naman sa sinasabing purong Benjamin ang makukuha. Imposible naman iyon, kahit nga sa Aleman mismo binabasa si Benjamin. Laging may pumapagitna sa pagitan ng mambabasa at binabasa. Dumarating sa atin ang mga teksto nang nabasa na. Sa kaso nitong Hinggil, bukod sa introduksyon ni Anderson, isa pang nasa pagitan ay ang pagbuo ng teksto mismo. Ang Hinggil ay may iba’t ibang bersyon, ipinapaalam sa atin ng malamang ay tagasalin (walang tandang nagsasabi kung sino ang nagbibigay ng impormasyon), at kung aling bersyon ang pinagbasehan ng salin (Benjamin 2013, 23). Tandaang posthumously published ang Hinggil. Bakit itong bersyon ang napili? Siguro’y dahil ito ang may institusyong nagbibigay-lehitimasyon (Eskwelahang Frankfurt) at mga malaking pangalan ang editor (Max Horkheimer at Theodor Adorno). Idagdag pa sa mga nabanggit nang talababa ang ginamit na mga epigraf (oo, maaaring gumamit ng higit sa isang epigraf): liham ni Benjamin kay Horkheimer, at liham ni 355 ELISERIO: Hinggil kay Guillermo

Saliksik E-Journal

Tomo 3, Bilang 2 | Nobyembre 2014

Benjamin kay Gretel Adorno (asawa ni Theodor). Ito ang paradoks ng aparatong editoryal: mas nagbibigay ng impormasyon para mabasa ang teksto nang walang pagkiling, mas nagbibigay ng dahilan para basahin ang teksto nang may mga interpretasyong kinikilingan. Ang paradoks na ito ay hindi pagkukulang, kundi siyang kalikasan ng pagbabasa. [Pareho lang ang kaso ng “Hinggil kay Feuerbach” sa Hinggil sa Konsepto ng Kasaysayan, pareho silang binuo (Guillermo 2009a, 151, 159)]. Walang saysay na ilista ang mga pagkakamali [kung mayroon man (meron)] ni Guillermo sa pagsasalin. Mas produktibo kung bibigyang-pansin ang mga nagagawa ng Filipino pag nagsasalin mula sa Aleman. Anong mga pagbabalentong ang nagagawa ng ating wika kung Aleman, imbes na, kunwari, Ingles, ang sinusubukang pagsalitain ng Filipino? Anong mga bagong pangungusap ang naisasagawa, anong mga bagong salita ang nalilikha ng ganitong relasyon? Tandaang ang layunin ng wika ay magpalawak, ang magluwal ng mga sentens at salita. Bonus lamang ang komunikasyon. Wika mismo ang kinokomunika. Walang nasa labas ng wika. Kung gayon hindi ko pupunahin ang paggamit ni Guillermo ng “pilosoper” para isalin ang “Philosoph” (“pilosopo”). Kaiba ito, syempre, sa paggamit niya ng “mga fakt” para sa “Fakten,” i.e., hindi ito kaso lamang ng rispeling. Bilang salita, may bagahe ang “pilosopo,” pwede itong mangahulugan ng “gago,” “balbal sumagot,” “smart ass.” Bagaman naniniwala ako na marangal na salita ang “pilosopo” [dahil nangangahulugan itong “gago,” bukod pa sa pangkaraniwan nitong konotasyon ng mapag-isip na tao (e.g., Pilosopo Tasyo) at denotasyon nito sa akademya (i.e., guro ng pilosopiya)], nakikita ko ang halaga ng paggamit ni Guillermo sa “pilosoper.” Marami itong binubuksang oportunidad, “sosyolojist” imbes na “sosyolohista,” “enjinir” imbes na “inhenyero,” “titser” imbes na “guro” (teka...). Tulad na rin ng pagbabanyuhay ng “filosofo” [na siyang gamit ni Guillermo sa kanyang ubod nang gandang nobelang Ang Makina ni Mang Turing (2013)] patungong “pilosopo,” magiging katabi na rin isang araw ng “pilosopo” ang “pilosoper.” Sumusulpot din ang pilosoper na ito sa salin ni Guillermo sa “Hinggil kay Feuerbach” ni Marx, bilang siyang umuunawa “lamang sa iba’t ibang paraan” sa daigdig imbes na ito’y baguhin (Marx 2009, 157). Madaling pagtawanan ang “pilosoper,” “afeksyonal” (Tolentino 2000, 16), “pluralayser” (Paz 2005, 15), “iredyus” (Guillermo 2009a, 73), at iba pang tulad nila. Pero hindi ba’t mas nakakatawa si Leo English, na sa paniniwalang absurd at nakakalito ang ponetikal na pagbaybay sa mga salitang angkin, ay nagbigay ng listahan ng mga salitang “rejected in favor of the English spelling”? (English 1977). Ilan lamang sa mga salitang nasa “not this” niya ay: “alkohol,” “alyas,” “bilyar,” “Amerika,” “analisis,” “apendiks,” “boksing,” “kanser,” “kendi,” “kapital,” “basketbol,” “batalyon,” “kolera,” “sibilyan,” “klasik,” “komiks,” “tsek,” “empasis,” “krisis,” “drowing,” “gerilya,” “manwal,” “holdap,” “impormal,” “inisyal,” “isyu,” “dyip,” “miting,” “misyon,” “morge,” “motorsiklo,” “lider,” “piket,” “ritwal,” “iskolar,” 356 ELISERIO: Hinggil kay Guillermo

Saliksik E-Journal

Tomo 3, Bilang 2 | Nobyembre 2014

“titser,” “praktis,” “papet,” “radyo,” “tiket,” “bulgar,” “traysikel,” “trak,” “unyon,” at “yunit.” Sa tingin kaya niya’y nakakatuwa nang kanyang isulat na “uranium,” imbes na “uranyum,” “ureynyum,” o “yureynyum” ang gamiting pagbabaybay? O kinakatakutan lang niya ang pagdating ng araw na may mga armas nukleyar na ang Pilipinas? Mahirap nga naman kasing manghula o magtakda ng kinabukasan ng paggamit ng mga salita. Kaya nga ang Pambansang Alagad ng Sining na si Virgilio Almario, na sigurado akong mas mahusay sa Filipino kaysa kay English, ay, noong 1981, sinabing ang “seryoso” at “responsibildad” ay “medyo sinusundan ng mamamayan” (Almario 2008, 6, akin ang diin). [Para sa selebrasyon ng mga posibilidad ng pinepresent ng Ingles sa Filipino, tingnan ang Ocampo 1998.] Kaugnay ng “pilosoper” ang isa pang kapuna-puna (remarkabol) na salin ni Guillermo ay “materyalismong istoriko” para sa “historischen Materialismus” (Benjamin 2013, 25, 37, 71). Ang nakasanayan, syempre, ay “historikal na materyalismo.” Sumasambulat ang kahulugan ng “istoriko,” nagdidisimineyt sa kung saan-saan (sa pangkalahatan: historya, storya; tandaan nating ang Alemang “Geschichte” ay parehong “kasaysayan” at “kuwento”). Sa Aleman, madalas naghuhugpong ng mga salita para bumuo ng bagong salita. Halimbawa, ang “Bürgermeister” [“bürger” (“pagkaing gawa sa baka at tinapay” “mamamayan”) at “meister” (“master”)] ay “meyor.” Ang “Babynahrung” ay pagkain ng beybi. Sa pilosopiya, naglipana ang ganitong mga uri ng salita. Dalawa sa paborito kong nilikha ni Guillermo para isalin si Benjamin ay makikita sa isang pangungusap, ito ay “pagka-hindi-muling-makikita” para sa “Nimmerwiedersehen” at “pagka-makikilala” para sa “Erkeenbarkeit.” At, patawarin tayo nawa ng Diyos, ang pangungusap kung saan sila ginamit ay: “Nagagagap lamang ang nakaraan bilang larawan sa pagka-muling-hindi makikita nito sa sandali ng pagka-makilala nito” (Benjamin 2013, 35). Hindi ko pinagtatawanan si Guillermo kundi pinupuri. Ang ganitong uri ng mga pangungusap ang kinabukasan ng intelektwal na buhay ng Pilipinas. Isa pang halimbawa ng nilikhang salita ay “ngayong-panahon” (“Jetztzeit”) (Benjamin 2013, 65). Makikita naman sa salin ni Guillermo sa “Hinggil kay Feuerbach” ni Marx ang nasipi nang “pagka-nariritong-panig” para sa “Diesseitigkeit” (Marx 2009, 155). Sayang nga lang at hindi ito ginagawa lagi ni Guillermo. Halimbawa, isinalin niya ang “Naturbeherrschung” bilang “dominasyon ng kalikasan” (Benjamin 2013, 55) at ang “Geschichtsbewusstseins” ay “kamalayang pangkasaysayan” (Benjamin 2013, 67). Ginamit ni Guillermo ang “sinekularisa” para isalin ang “sӓkularisiert” (Benjamin 2013, 77). May talababa ito (bilang 56), na ang direksyon ay tingnan ang talababa bilang 27. Pag pinuntahan ang talababang ito, hindi makita ang relasyon sa “sinekularisa” (sa salita at hindi sa pangungusap nakamarka ang talababa bilang 56). Tiningnan ko ang talababa 26 357 ELISERIO: Hinggil kay Guillermo

Saliksik E-Journal

Tomo 3, Bilang 2 | Nobyembre 2014

at 28, pati na rin ang 7, 17, 37, at 47, wala talagang tumatalay sa pagsekularisa. Sayang at interesting pa namang salita ito. Nag-aangkin din ng mga salita si Guillermo. Halimbawa, “chess” (Benjamin 2013, 25), “proletariat” (Benjamin 2013, 57), at “biologist” (Benjamin 2013, 81), sayang nga lang at naka-italics pa rin ang “timelapse” (Benjamin 2013, 67), “monad” (Benjamin 2013, 73), at “homo sapiens” (Benjamin 2013, 81). Ang mga salitang ito ay hindi lang Ingles, kundi Filipino rin. Ngunit ano nga ba ang Filipino? Maaari tayong humugot ng sagot mula sa kanta: “Ang Filipino ay ako.” Pero mas produktibo sigurong itanong ang kabaliktaran na tanong, ano nga ba hindi ang Filipino? Malinaw ang magiging sagot ni Guillermo sa tanong na ito, ang Filipino ay hindi basta natatagpuan sa kung saan, nakahandusay sa sahig o nakapark sa bangketa. Ang Filipino ay binubuo ng mga nagsasalita at nagsusulat ng Filipino. Laging nagbababala si Guillermo na wag maging linggwistik determinist. Sinabi niya, halimbawa, na hindi pwera walang kasarian ang mga pronawn na Filipino wala nang seksismo sa Pilipinas (Guillermo 2009a, 29). Inilista pa nga niya ang mga karumaldumal na pahagay nina Gregorio at Sonia Zaide (“ang mababait na sundalong Amerikano ay isinasaiisang-tabi ang kanilang mga riple at tinuturuan ang mga batang Pilipino ng kanilang mga unang salita sa Ingles”) para patunayang hindi lahat ng nakasulat sa Filipino ay interes ng mga Filipino ang ipinagtatangol (Guillermo 2009a, 61). Muli’t muli niyang tutuligsain si Salazar tungkol sa puntong ito, kasabay ng patatanggol sa mga nagsusulat sa banyagang wika bilang hindi otomatik na “pakikiisa sa bayan” (Guillermo 2009a, 65; tingnan din ang Guillermo 2009b, 221). Walang paradoks dito, pero merong kontradiksyon. Ang bayang Pilipinas, tulad ng wikang Filipino, ay nililikha, binubuo. Ang binubuong Pilipinas ng mga iskolar na nagsusulat sa Ingles ay Pilipinas na hindi nagsusulat sa Filipino ang mga iskolar. Hindi binubuo ng mga palaisip na Inglesero ang Filipino dahil, jusme, hindi sila nagsusulat sa Filipino. Sa panahon ngayong pinapatay mismo ng Departamento ng Edukasyon ang Filipino, at pinagtataksilan ng mga intelektwal ang wikang pambansa, at mas binibigyan ng pera, papuri, at parangal ng UP ang mga Inglesero, may lugar pa ba para sa mga ito? Iintindihin ba natin sila nang iintindihin? Pitong dekada nang patay, mas marami pang naidagdag sa buhayintelektwal ng Pilipinas si Benjamin kaysa sa mga ilustradong ito. Si Rizal, ang pinakaimportanteng manunulat na Filipino, ay ngayon sa salin na lamang binabasa. Tingnan na lamang ang dalawang rebyu ng Pook at Paninindigan ni Guillermo. Oo, may pagkukulang ang panunuring-aklat ni Scheherazade Vargas [masyado raw magbagsik si Guillermo tungkol kay Salazar, pero ang totoo’y masyado ngang malambing ang mga kritisismo ng una sa huli; mukhang wala ring nakikitang mali si Vargas sa paggamit ng mga matanda sa “bird” bilang pangtukoy sa tite (Vargas 2009, 135)] kung ikukumpara kay Manuel Sapitula (2012). Pero mga Filipinong nakikipagtalastasan sa mga Filipino ang nilalalang ni Vargas sa Social Science Diliman, sino ang kausap ni Sapitula sa websayt ng 358 ELISERIO: Hinggil kay Guillermo

Saliksik E-Journal

Tomo 3, Bilang 2 | Nobyembre 2014

Harvard-Yenching Institute? Kung mayroong mang butas sa lohika ng mga nagsusulat sa Filipino, magsusulat at magbabasahan tayo para nga matuto mula sa isa’t isa, at nang sa gayo’y magkasamang dalhin ang Pilipinas kung saan natin ito gustong mapunta. Ginamit ni Guillermo bilang lunsaran ng kritisismo niya sa atitsud ni Salazar sa wika ang isang taong nagsabing “nagrerebolusyon ang akin tiyan!” [Guillermo 2009a, 28, 31-35; alusyon niya sa “Wika ng Himagsikan, Lengguwahe ng Rebolusyon” (Salazar 1998, 49)], kaya walang hiya kong tatapusin ang sanaysay na ito sa pamamagitan ng isang alegori. Sumali si Boy Bastos bilang kinatawan ng Pilipinas sa pagalingan sa gatasan ng baka. Naunang umariba sa kontest ang Hapon, na dalawang timba ang napuno. Sumunod ay Amerikano, na isang timba ang napuno. Huli si Boy Bastos, na isa’t kalahating timba lamang ang napuno. Nagalit ang mga Filipinong nanood nang live sa arena, at sinugod nila si Boy Bastos. “Dinaya tayo!” sumbong nito. “Dinaya tayo, lalake ang binigay sa ’king baka.” May nailalabas ang mga Inglesero, oo, pero hindi ito ang magpapanalo sa atin sa kontest.

Sanggunian Almario, Virgilio. 2008. Filipino ng mga Filipino. Mandaluyong: Anvil Publishing, Inc. Badiou, Alain. 2013. Ethics: An Essay on the Understanding of Evil. London: Verso. Barbaza, Raniela. 2009. Ang Pagsasalin ay Pag-aangkin: Ang Pagsasaplosa kina Adan at Eba. Nasa Salin-Suri: Panimulang Pagmamapa ng mga Larangan ng Pag-aaral ng Pagsasalin sa Filipinas, pat. Galileo Zafra, 107-120. Quezon City: University of the Philippines Sentro ng Wikang Filipino. Benjamin, Walter. 2013. Hinggil sa Konsepto ng Kasaysayan. Tsln. Ramon Guillermo. Quezon City: High Chair. Encarnacion, Andre. 2014. UP Pep Squad Place Second, Push for Equality in Cheerdance Competition. Websayt ng University of the Philippines, pinost noong Setyembre 17, http://goo.gl/LQQ21T (nakuha noong Nobyembre 17, 2014). English, Leo. 1977. English-Tagalog Dictionary. Mandaluyong: National Book Store. Even-Zohar, Itamar. 2000. The Position of Translated Literature Within the Literary Polysystem. Nasa The Translation Studies Reader, pat. Lawrence Venuti, 192-197. London: Routledge. 359 ELISERIO: Hinggil kay Guillermo

Saliksik E-Journal

Tomo 3, Bilang 2 | Nobyembre 2014

Guillermo, Ramon. 2001. Rebyu ng Salin ni Zeus A. Salazar sa Manifesto ng Partido Komunista. Philippine Humanities Review 5: 246-253. Guillermo, Ramon. 2004. Agaw-Liwanag. Quezon City: High Chair. Guillermo, Ramon. 2009a. Pook at Paninindigan: Kritika ng Pantayong Pananaw. Quezon City: University of the Philippines Press. Guillermo, Ramon. 2009b. Translation and Revolution: A Study of Jose Rizal’s Guillermo Tell. Quezon City: Ateneo de Manila University Press. Guillermo, Ramon. 2013. Ang Makina ni Mang Turing. Quezon City: University of the Philippines Press. Guillermo, Ramon. 2014a. Themes of Invention, Help, and Will: Joachim Campe’s Robinson der Jüngere in Tagalog and Bahasa Melayu Translations. Southeast Asian Studies 3, blg. 1 (Abril): 3-47. Guillermo, Ramon. 2014b. Translation as Argument: The Nontranslation of Loob in Reynaldo Ileto’s Pasyon and Revolution. Philippines Studies 62, blg. 1: 3-28. Lefevere, Andre. 2000. Mother Courage’s Cucumbers: Text, System and Refraction in a Theory of Literature. Nasa The Translation Studies Reader, pat. Lawrence Venuti, 233-249. London: Routledge. Martinez, Christ. 2003. Last Order sa Penguin. Quezon City: University of the Philippines Press. Ocampo, Nilo. 1998. Onli in da Pilipinis: Ang Reispeling mula Ingles sa Paglilinang sa Filipino. Papel na binasa sa Pangdaigdigang Komperensya sa Paglinang at Pagtuturo ng Filipino, sa pagtataguyod ng Komisyon ng Wikang Filipino at Pamantasang Normal ng Pilipinas, sa pakikipagtulungan ng Consortium for the Advancement of Filipino of America, Disyembre 15-17, sa Traders Hotel, Pasay City, Metro Manila, Philippines. Paz, Consuelo. 2005. Ang Wikang Filipino: Atin Ito. Quezon City: University of the Philippines Sentro ng Wikang Filipino. Salazar, Zeus. 1998. Wika ng Himagsikan, Lengguwahe ng Rebolusyon: Mga Suliranin ng Pagkakahulugan sa Pagbubuo ng Bansa. Nasa Wika, Panitikan, Sining at 360 ELISERIO: Hinggil kay Guillermo

Saliksik E-Journal

Tomo 3, Bilang 2 | Nobyembre 2014

Himagsikan, mga pat. Atoy Navarro at Raymund Abejo, 12-92. Limbagang Pangkasaysayan.

Quezon City:

Sapitula, Manuel Victor. 2012. Pook at Paninindigan: A Critical Appraisal of Pantayong Pananaw. Websayt ng New Frontiers in Asian Scholarship ng Harvard-Yenching Institute, pinost noong Pebrero 27, http://goo.gl/yZ2tPG (nakuha noong Nobyembre 17, 2014). Schleiermacher, Friedrich. 1992. On the Different Methods of Translating. Nasa Translation/History/Culture, pat. Andre Lefevere, 141-165. London: Routledge. Tadiar, Neferti. 2004. Fantasy-Production. Hong Kong: Hong Kong University Press. Tiglao, Rigoberto. 2014. A Blow to UP Econ Profs’ Integrity. Websayt ng The Manila Times, pinost noong Setyembre 21, http://goo.gl/MwPddV (nakuha noong Nobyembre 17, 2014). Tolentino, Rolando. 2000. Richard Gomez at ang Mito ng Pagkalalake. Mandaluyong: Anvil Publishing, Inc. Tolentino, Rolando. 2012. Cheerdance Competition: Sports Exemplar ng U.S. Empire at Neoliberalismo sa Edukasyon. Websayt ng Pinoy Weekly Online, pinost noong Setyembre 23, http://goo.gl/qeBS8r (nakuha noong Nobyembre 17, 2014). Vargas, Scheherazade. 2009. Panunuring-Aklat; Ramon Guillermo: Pook at Paninindigan: Kritika ng Pantayong Pananaw. Social Science Diliman 5, blg. 1-2: 132-135. Vermeer, Hans. 2000. Skopos and Commission in Translational Action. Nasa The Translation Studies Reader, pat. Lawrence Venuti, 221-232. London: Routledge.

361 ELISERIO: Hinggil kay Guillermo