MARCOS PA RIN! PAMANA AT SUMPA NG REHIMENG MARCOS The 2013

Karamihan sa mga ito galing mismo sa kaguruan at mga dating estudyante ng ... at mga mag-aaral ng ... ng Internet, lalo na ng social media. Sa pag...

24 downloads 584 Views 786KB Size
MARCOS PA RIN! PAMANA AT SUMPA NG REHIMENG MARCOS The 2013 UP TWSC Public Forum Series RASYUNAL Abril 13, 2013 nang parang lansang umalingasaw ang balita na inaprubahan ng Lupon ng mga Rehente ng Unibersidad ng Pilipinas (UP) ang panukala ng kaguruan ng College of Business Administration (CBA) na palitan ang pangalan ng kanilang kolehiyo at gawing Cesar E. A. Virata School of Business. Nakadismaya sa marami ang masangsang na amoy ng balita. Sunud-sunod ang labas ng mga opinyon sa mga peryodiko at mga tumpukang online na kritikal sa naging aksyon ng pamunuan ng UP at ng dating CBA. Karamihan sa mga ito galing mismo sa kaguruan at mga dating estudyante ng unibersidad. Bukod sa pagpuna sa pagapang at ikinubling proseso sa pagpapalit ng pangalan. Binatikos rin ang mga basehan ng nasabing aksyon. May mga pumunang labag ito sa batas. Ngunit mas mariin, mas malakas, at mas matapang ang boses ng mga umaalma sa dahilang kabilang si Virata sa korapsyon at pang-aabuso ng diktadura ng dating Pangulong Ferdinand Marcos. Maliban sa opisyal niyang katungkulan bilang tau-tauhang punong ministro, si Virata rin ang itinuturing na punong teknokrata ng diktadurya. Tama ba na ipagkibit-balikat na lamang ang pagkilala at pagpaparangal sa mga haligi ng diktadura? Ano ang implikasyon ng desisyon na ito sa papel ng unibersidad bilang tagapagtaguyod ng tradisyon ng aktibismo at mulat na pakikisangkot sa paghahanap ng katarungan sa ating lipunan? Sa kasagsagan ng diktadurang Marcos noong 1977, itinatag ang Sentro ng Aralin Ukol sa Ikatlong Daigdig (TWSC) bilang hawan sa loob ng unibersidad kung saan maaaring magtipon, mag-aral, magsuri, at magbalangkas ng hakbang ang mga akademiko at intelektwal para tunggaliin ang diktadurya. Sa harap ng mga kasalukuyang pagkilos para pabanguhan—kung ‘di man muling buhayin—ang ‘di malansag-lansag na bangkay ng awtoritaryanismo na patuloy na umaali-aligid sa kamalayang pulitikal ng bansa, ang Sentro ay hindi maaaring manahimik na lamang. Noong Hulyo 3, 2013, pinangunahan ng TW SC ang hanggang sa ngayo’y natatanging pampublikong talakayan hinggil sa pagparangal ng unibersidad sa isa, kung ‘di man ang pinakapangunahing, tagapagpatupad ng awtokratikong rehimen ni Marcos. Pinamagatan ang public forum na ito na: “Marcos Pa Rin! Ang mga Isyu at Interes sa Pagpangalan sa UP College of Business Administration na Cesar E. A. Virata School of Business.” Tampok sa talakayang ito sina Dr. Judy M. Taguiwalo, Nelson A. Navarro, Dr. Eduardo C. Tadem, at Dr. Amado M. Mendoza Jr., pawang mga naging sangkot sa pakikibaka laban sa diktadurya. Sa kabila ng mga ipinaabot na pormal na imbitasyon, mula kay dating punong ministro Virata hanggang sa lahat ng mga taga-CBA na may tuwirang kinalaman sa pagparangal sa kanya, lahat sila ay tumangging dumalo sa forum. Gayong nakakiling lamang sa isang panig ang mga tagapagsalita, dinumog ng mga magaaral at kaguruan ang public forum na ito. Liban sa mga binalikang aral ng kasaysayan, naging mas mainit ang talakayan sa mga haka at hinala kung kaninong mas malawak na balangkas ng mga pagkilos at interes nakakabit ang pagparangal ng CBA at ng pamunuan ng UP kay Virata. Ang seryeng ito ng pampublikong talakayan tungkol sa pamana at sumpa ng rehimeng Marcos ay tugon sa ipinakitang interes sa isyung ito ng kaguruan at mga mag-aaral ng UP. Ang punong layunin ng public forum series na ito ay bumuo ng tuwirang pag-uugnay ng mga isyung natalakay sa pambungad na public forum noong Hulyo 3, 2013. Layunin ng serye na ilantad sa publiko at himayin ang mga hindi madalas mapag-usapang isyu ng: (1) kabayaran at pag-amin sa kasalanang nagawa sa mga biktima ng awtoritaryanismo ni Marcos; (2) muling pagsabak at pamamayagpag ng mga Marcos sa pambansang pulitika at ang paglutang ng mga alaala ng awtoritaryanismo na taliwas sa mga gunitang nakakabit sa itinatanging salaysay ng People Power Revolution noong 1986 (o EDSA I); (3) mahalagang papel na ginampanan ng mga haligi ng hudikatura at ng legal na propesyon sa pagsuporta at pagtunggali sa deklarasyon at pagpapatupad ng batas militar; at (4) ang nagbabagong pagkilala sa diktaduryang kondyugal ng bawat henerasyon na kasalukuyang umiikot sa kulturang popular at mga arkibong digital. Sa seryeng ito hinihikayat ng Sentro na muling balikan ang makasaysayang dekada ‘70. Ang tanging tanong lamang ay kung gaya ng naunang henerasyon, magawa rin nating makawala sa bangungot at sumpang dala ng awtoritaryanismo. Bangungot at sumpang patuloy na nakakapaghikayat at nakapanlilinlang ng hanay ng mga bulag na tagapagtaguyod ng Martial Law mula mismo sa unang henerasyon na produkto ng kalayaang nagmula sa EDSA I.

THIS SERVES AS AN INVITATION

BONGGANG BONGGANG BONGBONG: ANG REHABILITASYONG PULITIKAL NG MGA MARCOS

BONGGANG BONGGANG BONGBONG: ANG REHABILITASYONG PULITIKAL NG MGA MARCOS

PROGRAM

TUNGKOL SA FORUM

1:00 - 1:30

REGISTRATION

1:30 - 1:35

OPENING REMARKS Ricardo T. Jose, PhD Director, Third World Studies Center at Professor, Departamento ng Kasaysayan College of Social Sciences and Philosophy University of the Philippines-Diliman

1:35 - 1:45

INTRODUCTION OF THE SPEAKERS

1:45 - 2:00

Gerardo V. Eusebio Lecturer, Department of Political Science De La Salle University and Former Campaign Operations Manager Bongbong Marcos for Senator Movement

2:00 - 2:15

Butch Hernandez Executive Director The Eggie Apostol Foundation

2:15 - 2:30

Raul C. Pangalangan Publisher, Philippine Daily Inquirer and Professor, College of Law University of the Philippines-Diliman

2:30 - 2:45

Amado M. Mendoza Jr., PhD Professor, Department of Political Science College of Social Sciences and Philosophy University of the Philippines Diliman

2:45 - 3:00

Ferdinand C. Llanes, PhD Professor, Department of History College of Social Sciences and Philosophy University of the Philippines-Diliman

3:00 - 3:50

OPEN FORUM

3:50 - 4:00

SYNTHESIS MODERATOR Ma. Luisa T. Camagay, PhD Professor, Department of History College of Social Sciences and Philosophy University of the Philippines-Diliman

Noong nakaraang taon, inilunsad ng InterAksyon.com ang memory project nitong pinamagatang “#NeverForget Martial Law.” Ang proyektong digital na ito, na paggunita sa ika-apatnapung anibersaryo ng pagdeklara ng martial law ni Marcos, ay kumalap ng mga salaysay mula sa mga biktima ng batas militar na nagsampa ng class suit laban sa estado ni Marcos upang maipaalala sa mga mambabasa kung ano ang kinailangang isakripisyo sa pagbuo ng Bagong Lipunan. Nilayon nitong bigyan ng mukha ang isa sa pinakamadilim na yugto sa kasaysayan ng ating bansa. Ang target—mga nakababatang henerasyon na masugid na gumagamit ng Internet, lalo na ng social media. Sa pag-alala, nilayon nitong hindi na maulit pa ang pagsasawalang bahala na naging daan sa mahabang pang-aabuso ng kapangyarihan ng rehimeng Marcos. Kaya naman mas lalong kagulat-gulat ang mga komento sa homepage mismo ng memory project na ito: hindi iilan ang nagsabing matahimik at maunlad ang pamumuhay sa ilalim ng batas militar ni Marcos, disiplinado ang mga Pilipino, at wala halos krimen sa buong bansa. Kinuwestyon din ang kahalagahan ng EDSA I at ang naging kapalaran ng bansa sa ilalim ng mga demokratikong lider na sumunod sa napatalsik na diktador. Ang mga sentimyentong ito ay matagal-tagal nang umiiral sa ilang mga social media networks, lalo na sa Facebook, kung saan may mga grupong tulad ng “Pres. Ferdinand Emmanuel E. Marcos,” “Bongbong Marcos,” at “Ferdinand ‘Bongbong’ R. Marcos, Jr. for President 2016 (BBM 2016).” Sa pagbabasa sa mga wall posts ng mga grupong ito, mahihinuha na ang paggunita sa batas militar at kay Marcos ay patungo sa isang hindi maipagkakailang political agenda—ang pagsuporta sa anak ng dating diktador, ang kasalukuyang Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. Nahalal si Bongbong Marcos sa senado noong eleksyon ng 2010—ang pinakaunang tagumpay sa larangan ng pambansang pulitika ng isang miyembro ng pamilya Marcos pagkatapos ng pagbagsak ng rehimeng Marcos. Una nang tumakbo at nabigo sa pagkapangulo si Imelda Marcos noong 1992 at 1998, at si Bongbong Marcos naman bilang senador noong 1995. Ayon kay Dr. Amado Mendoza Jr., propesor ng agham pampulitika sa UP Diliman, ang tagumpay na ito ay maaari ring basahin bilang patunay na ganap na ang political rehabilitation ng mga Marcos. Ang pagkahalal kay Bongbong Marcos sa senado ang pinakamatingkad na pagpapatunay sa mga pulitikal na tagumpay nina Imelda Marcos bilang Kinatawan ng Unang Distrito ng Leyte (Hunyo 30, 1995 - Hunyo 30, 1998) at ng Ikalawang Distrito ng Ilocos Norte (Hunyo 10, 2010 kasalukuyan) at Imee Marcos bilang dating Kinatawan ng Ikalawang Distrito (Hunyo 30, 1998 Hunyo 30, 2007) at ngayo’y Gobernador ng Ilocos Norte (Hunyo 10, 2010 - kasalukuyan). Para sa iilan, tila napapanahon na para muling bumalik sa Malakanyang ang mga Marcos. Ilang buwan pa lang nakaupo sa posisyon si Bongbong Marcos, nagpahayag na si Imelda Marcos ng pagsuporta sa anak sa maaaring pagtakbo nito sa halalang pampanguluhan sa 2016 (Inquirer.net, Setyembre 13, 2010). Umuugong na rin ang mga bulong-bulungan para sa isang Presidente Ferdinand Marcos Jr. Ipinoposisyon ni Senador Marcos ang kanyang sarili bilang oposisyon sa kasalukuyang rehimeng Aquino. Tila tinitimpla na rin ni Senador Marcos ang sentimyento ng publiko sa tuwing magbibitiw ito ng mga pahayag na may kinalaman sa administrasyon ng kanyang ama. Matibay siya sa pagtangging nagnakaw ang pamilya Marcos sa kaban ng bayan habang nasa puwesto si Ferdinand Marcos, sa deklarasyong ang gobyerno ng US ang nasa likod ng pagpapatalsik sa puwesto noon ng kanyang ama, at sa pagsasawalangbahala sa EDSA I. Ani Bongbong Marcos, hindi kayang tanggapin ng pamilya niya ang EDSA I dahil wala itong idinulot na makabuluhang pagbabago (Inquirer.net, Pebrero 22, 2010). Sa forum na ito ay tatalakayin at susuriin ang panunumbalik sa kapangyarihan ng mga Marcos sa pambansang pulitika, pati na ang epekto nito sa pagbubuo ng kasaysayan ng batas militar. Partikular na sasagutin sa forum na ito kung ano ang magpapaliwanag sa tagumpay ni Bongbong Marcos noong 2010. Tatalakayin din ang implikasyon ng tagumpay na ito sa pangkalahatang pag-aalaala ng rehimeng Marcos. Maaari bang sabihing may nagaganap na pagwawasto ng kasaysayan? Ito bang kanilang pagwawasto ng kasaysayan ay dahilan o epekto ng mistulang pagkamalimutin o pagkakaroon ng amnesya ng sambayanang Pilipino?