MGA PAUNANG SALITA - balangadiocese.com

Di man, tuwiran, ito ay ... na ito ay humantong sa tuwirang pagdanas sa Mabathalang Awa ... ANG PAGPAPAHAYAG NG PANANAMPALATAYA:...

22 downloads 632 Views 752KB Size
1

MGA PAUNANG SALITA Mula sa Santo Papa, Francisco

“MISERICORDIAE VULTUS” Kailangan nating patuloy na papagnilayan ang hiwaga ng awa. Ito ay bukal ng kagalakan, kapanatagan at kapayapaan. Dito nakasalalay ang ating kaligtasan. AWA: ipinapahayag ng salitang ito ang dakilang hiwaga ng Banal na Santatlo. AWA: ang rurok at pinakamatayog pagkilos ng Diyos upang tayo ay kanyang katagpuin. AWA: ang pangunahing batas na nakatanim sa puso ng bawat tao na buong katapatang nakatingin sa mata ng kanyang kapwa sa landas nitong buhay. AWA: ang tulay na naguugnay sa Diyos at tao, nagbubukas ng mga ating puso sa pagasang tayo ay minamahal nang walang hanggan sa kabila ng ating pagiging makasalanan. (# 2) Minsan, tayo ay tinatawag na pagmasdan ang awa nang buong taimtim at tayo ay lalong higit na maging mabisang tanda ng pagkilos ng Diyos Ama sa ating mga buhay. Dahil dito, ipinapahayag ko ang Di-karaniwang Hubileo ng Awa bilang natatanging panahon para sa Simbahan; panahon upang maging mas matatag at mabunga ang pagsaksi ng mga Mananampalataya. Ang Banal na Taon ay magsisimula sa ika-8 ng Disyembre, 2015, sa Dakilang Kapistahan ng Kalinis-linisang Paglilihi sa Mahal na Birhen… Kagalakan kong buksan ang Banal na Pintuan sa Dakilang Kapistahan na ito. Sa Araw na yaon, ang Banal na Pintuan ay magiging Pintuan ng Awa upang sinumang papasok dito ay makararanas ng pagmamahal ng Diyos na nagpapagaan ng kalooban, nagpapatawad at nagbibigay ng pagasa. (# 3) …Ang Hubileo, Taon na Awa na ito ay magtatapos sa Dakilang Kapistahan ng Pagkahari ng Panginoong Hesukristo sa ika-20 ng Nobyembre, 2016. Sa araw na ito, sa pagsasara ng Banal na Pintuan, mapupuspos tayo, higit sa lahat ng diwa ng pasasalamat sa Banal na Santatlo sa pagkakaloob sa atin ng

2 natatatanging panahon ng pagbibiyaya. Ipagkakatiwala natin ang buhay ng Simbahan, ang sangkatauhan at ang buong santinakpan sa pagka-Panginoon ni Kristo, humihiling sa Kanya na ibuhos Niya ang Kanyang Awa sa atin, tulad ng masaganang hamog sa umaga, upang tayong lahat ay sama-samang kumilos sa pagkakaroon ng maaliwalas na bukas. (# 5)

3 Mula sa ating Mahal na Obispo

“REFLECTION ON MERCY (ADVENT 2016)” “Sa pagpasok natin sa mga Pintuan ng Hubileo, mga Pintuan ng Awa, sa ating Diyosesis, pagnilayan natin ang kabuluhan nito sa ating buhay: Ang pintuan ay tumutukoy sa isang pasukan. Ito’y nagpapahayag ng pagtanggap at pagpapatuloy. Ang bukas na pintuan ay malinaw na paanyaya na tumuloy at maging panatag, katulad nang sa sariling pamamahay… Sa kabilang banda naman, ang nakapinid na pintuan ay nangangahulugan na ang mga nasa loob ay ayaw magpagambala. Ito ay nagmimistulang bakod sa pagitan ng mga nasa labas at nasa loob. Di man, tuwiran, ito ay nagsasabing kailangan ng pahintulot bago pa makapasok sa loob. Ito rin ay maaaring maging isang babala, katulad ng nasasaad sa Aklat ng Mabuting, ayon kay San Mateo 25: 12, ‘Tandaan ninyo; hindi Ko kayo nakikilala.’ Sa tuwing bubuksan ng Inang Simbahan ang Kanyang pintuan… ito’y nangangahulugan na kilala Niya ang lahat at pinatutuloy. Tinatanggap Niya ang lahat; kinikilala Niya ang lahat bilang Kanyang mga anak. Para sa Inang Simbahan, walang bakod na naglalayo at naghihiwalay. Wala ring itinatangi at itinatanggi. Ninanais Niyang lahat ay maging mapanatag, anuman ang kanilang katatayuan sa lipunan at kalalagayan sa buhay. Itinuturing at tinatanggap Niya ang lahat na magkakapantay, nang walang pasubali sa kanilang mga kaloob o ugnayan. Kaya, marapat lamang na tanggapin natin ang katotohanang ang Diyos ay nakikipag-ugnayan sa lahat; hinahhangad na ang lahat ay mapabilang sa kadakilaan ng Kanyang Pagliligtas. Walang hindi kabilang at mapag-iiwanan; walang itinatanggi at pinababayaan. Nais ng Inang Simbahan na tayong lahat ay maging mapanatag sa Dioys. Lalong higit, kalingain ng Diyos. Sapagkat ang Diyos ay bukas at laan para sa lahat. Ang Diyos ay tunay na para sa lahat...

4 Sa tuwing bubuksan ng Inang Simbahan ang Kanyang pintu-

an… ito’y nangangahulugan na ang Diyos ay naririto, naghihintay at nananabik sa atin. Ang Kanyang masintahing pagtingin sa atin ay nakatuon; laging handa na tayo ay sabayan sa paglalakbay hanggang sa matagpuan nating muli ang pintuan ng kalangitan...

Sa tuwing bubuksan ng Inang Simbahan ang Kanyang pintuan… nasa sa atin ngayon ang hamon at pagkakataon na buksan an gating mga sarili kay Kristo Jesus.

5

MAIKLING PALIWANAG Ang salitang “Hubileo” ay galing sa salitang Hebreo “yobhel” na tumutukoy sa sungay ng lalaking tupa o kambing (horn of a ram) na hinihipan bilang hudyat ng Pasinaya ng Taon ng Pagpapala, ayon rin sa itinakda ng Lumang Tipan (Levitico 25 : 9). Sa Bagong Tipan, Sa Bagong Tipan, maging si Jesus ay nagpahayag ng Taon ng Pagpapala (Lukas 4 : 16 – 21) Pinakamalapit na katumbas nito sa wikang Pilipino ay “tambuli” na tumutukoy naman sa sungay ng kalabaw na hinihipan din ng mga sinaunang Pilipino. Si San Jeronimo, na namuhay noong 347 – 420 AD, ang siyang nagsalin ng salitang “yobhel” sa wikang Latin “jubilaeum” na ang kahulugan naman ay “pagdiriwang o pagbubunyi”. Sa kasaysayan ng Inang Simbahang Katoliko, ang Pagdiriwang ng mga Hubileo ay nagsimula noong kapanahunan ng Santo Papa Bonifacio Ikawalo (Boniface VIII) taong 1300. Natatanging sangkap ng Pagdiriwang ng Ka-una-unahang Hubileo na ito ay ang “indulhensiya” (indulgence) at Banal na Paglalakbay (pilgrimage) sa Lungsod ng Roma, lalong higit sa mga Malapalasyong Simbahan nina Apostol San Pedro at San Pablo (Basilicas of Sts. Peter and Paul). Ang Santo Papa Juan Pablo Ikalawa ay nagpahayag ng Dakilang Hubileo para sa Taong 2000 sa kanyang Liham na pinamagatang “Tertio Millenio Adveniente” (Sa Panimula ng Ikatlong Milenyo). Natatangi sa Dakilang Hubielo na ito ay pagiging payak ng mga Pagdiriwang, maging ng mga hinihinging kailangan sa pagkakamit ng “indulhensiya”, sa pagnanais na mapalawak ang pakikilahok ng mga Mananampalatayang Katoliko sa Dakilang Hubileo na ito... Sa buong mundo, ang bawat diyosesis ay pinahintulutan na magtakda ng Simbahan upang makamtan ang “indulhensiya” na ito. At karamihan sa mga Diyosesis, ang kani-kanilang mga Katedral ang itinakdang Pook ng Banal na Paglalakbay.

6 Ipinahayag ang Santo Papa Francisco ang Natatanging Hubileo, Taon ng Awa sa kanyang Liham ng Pagtatalaga (Bull of Indiction) na pinamagatang “Misericordiae Vultus”, Ang Mukha ng Awa, noong ika – 11 ng Abril, 2015, Ikalawang Linggo ng Muling Pagkabuhay, ang Linggo ng Mabathalang Awa. Ayon sa kanyang pahayag, ito ay magsisimula sa ika – 8 ng Disyembre, 2015, Dakilang Kapistahan ng Kalinis-linisang Paglilihi sa Inang Birheng Maria (Solemnity of the Immaculate Conception) at magtatapos sa ika – 20 ng Nobyembre, 2016, Kapistahan ng Kristong Hari (Solemnity of Christ, The King). Ayon na rin sa kanyang minamarapat, ang paksa (motto) ay “...Maawain tulad ng Ama...” (“...Merciful like the Father...”) (Lukas 6 ; 36). Sa nabanggit na Liham ng Pagtatalaga (bilang 3), minarapat ng Santo Papa Francisco na sa bawat Diyosesis, sa mga Katedral o sa iba pang Simbahan na may natatanging kahalagahan sa mga Mananampalataya, ay magkaroon ng “Pintuan ng Hubileo” (“Jubilee Door”) na magiging “Pintuan ng Awa” (“Door of Mercy”). Higit pa, pinahintulutan din ng Santo Papa Francisco na, sa maalam na pagpapasya ng mga Obispo, ang mga Dambana na dinarayo ng mga Mananampalataya/Namimintuho ay maaari ring magkaroon ng gayunding “Pintuan ng Awa” (“Door of Mercy”).

7

ANG AKLAT NA GABAY SA BANAL NA PAGLALAKBAY Bilang malinaw na bunga ng pakikilahok ng mga Mananampalataya sa mga Panayam ng Awa (“Congress on Mercy”) na idinaos sa bawat bayan ng ating lalawigan, gaganapin ngayon ang Banal na Paglalakbay sa Limang Simbahan sa ating Diyosesis na sa pagpapasya ng ating Mahal na Obispo ay may mga “Pintuan ng Hubileo” (“Jubilee Door”) na sa Natatanging Hubileo, Taon ng Awa na ito ay tinatawag ding “Pintuan ng Awa” (“Door of Mercy”). Sa paghahangad na ang Tanging Hubileo na ito ay humantong sa tuwirang pagdanas sa Mabathalang Awa ng Diyos at maghatid sa Mananampalataya sa pagpapanibagongbuhay, Ang Aklat na Gabay sa Banal na Paglalakbay ay inilalathala.

Ang Aklat na Gabay sa Banal na Paglalakbay ay tatanggapin lamang ng mga Dumalo sa mga Panayam ng Awa na idinaraos/idinaos sa Labingdalawang Bayan ng ating Diyosesis. Ang Banal na Paglalakbay ay bahagi at karugtong ng, pagsasabuhay at pagninilay sa mga Panayam ng Awa. Ang bawat Simbahan, na minarapat ng ating Mahal na Obispo na magkaroon ng mga “Pintuan ng Hubileo” ay may mga Tanging Paksa ng Pagdalaw upang makatulong sa lahat na mapanatili ang diwa ng pananalangin sa ginaganap na Banal na Paglalakbay. Ito ay binubuo ng Pagbasa mula sa Banal na Kasulatan, Maikling Sipi mula sa Santo Papa Francisco, sa kanyang Liham ng Pagtatalaga (Bull of Indiction) na pinamagatang “Misericordiae Vultus”, Ang Mukha ng Awa, ng at Tanging Panalangin. Parokya ng San Juan Bautista, Dinalupihan, Bataan: “Pintuan ng Awa” (“Door of Mercy”); Parokya ng Santa Catalina ng Siena, Samal, Bataan: “Si Jesus, ang Mukha ng Awa ng Diyos”; Dambana ng Mabathalang Awa, Roman Highway, Balanga City: “Bawat Mananampalataya, Anak/Alagad ng Awa”;

8 Katedral-Dambana ng San Jose, Balanga City, Bataan: “Sama-sama, Nagkakaisa, Pamayanan ng Awa”; Parokya-Dambana ng San Roque, Lamao, Limay, Bataan: “Birheng Maria , Ina ng Awa”. Sadyang bahagi ng mga Hubileo ang mga Banal na Paglalakbay. Karugtong naman ng bawat Banal na Paglalakbay ang pagkakamit ng “indulhensiya”.

Dati-rati ang tanging Pook ng Banal na Paglalakbay ay ang Lungsod ng Roma, lalong higit sa mga Mala-palasyong Simbahan nina Apostol San Pedro at San Pablo (Basilicas of Sts. Peter and Paul). Sa Taon na ito ng Awa, sa kapahintulutan ng Santo Papa, Francisco at sa pagpapasya ng ating Mahal na Obispo, sa Pagdalaw sa limang Simbahang-Parokya/Dambana na nabanggit sa itaas ay makakamtan ang biyaya ng “indulhensiya”. Naririto ang mga kailangang sangkap upang ito ay makamtan: Ang Sakramento ng Pakikipagkasundo; (Hindi nangangahulugan ng araw din na yaon.) (Ang Pagdarasal ng Panalangin ng Pagsisisi.) Ang Sakramento ng Banal na Eukaristiya, na may Banal na Pakikinabang; (Kung walang Banal na Eukaristia, ang Pagdarasal ng Panalangin ng Banal na Pakikinbang Espirituwal.) Ang Pagdarasal para sa Saloobin ng Santo Papa; (Darasalin ang “Sumasampalataya Ako”.) (Maglaan din ng isang “Ama Namin”, “Aba Ginoong Maria” at “Luwalhati” para sa Saloobin ng Santo Papa.)

9

ANG PANALANGIN NG PAGSISISI: O Diyos ko, ikinalulungkot ko nang buong puso Ang pagkakasala ko sa Iyo. Kinasusuklaman ko ang lahat kong kasalanan, Dahil sa takot ko na mawala sa akin Ang kaharian ng Langit At dahil sa takot ko sa impiyerno; Ngunit lalo pa’t ang kasalanan ay Nakakasakit sa kalooban Mo, O Diyos na walang hanggan, Ang kabutihan at nararapat na ibigin Nang walang katapusan. Matibay akong nagtitika na ikukumpisal ko Ang aking mga kasalanan, Tutuparin ang parusang hatol At sa tulong ng Iyong biyaya ay magbabagong-buhay. Amen.

PANALANGIN NG BANAL NA PAKIKINABANG NA ESPIRITUWAL O Jesus ko, ako’y sumasampalataya na naririyan Ka sa Kabanal-banalang Sakramento. Iniibig Kita nang higit sa lahat ng bagay, at nais kong tanggapin Ka sa Banal na Sakramento ng Pakikinabang. Yayamang di Kita matatanggap nagyon sa Banal na Sakramento ng Pakikinabang, tanggapin ko nawa ang Iyong Espiritu sa aking puso. Niyayakap Kita na wari ba’y nasasa-akin Ka na at ako’y buong pusong nakiki-isa sa Iyo. Huwag Mong pahintulutang mawalay ako sa Iyo. Amen.

10

ANG PAGPAPAHAYAG NG PANANAMPALATAYA: Sumasampalataya ako sa Diyos Amang Makapangyarihan sa lahat, na may gawa ng langit at lupa. Sumasampalataya naman ako kay Jesukristo, Iisang Anak ng Diyos, Panginoon nating lahat. Nagkatawang-tao Siya lalang ng Espiritu Santo, Ipinanganak ng Santa Mariang Birhen. Pinagpakasakit ni Poncio Pilato, Ipinako sa krus, namatay, inilibing. Nanaog sa kinaroroonan ng mga yumao. Nang may ikatlong araw, nabuhay na mag-uli. Umakyat sa langit, naluluklok sa kanan ng Diyos Amang makapangyarihan sa lahat. Doon magmumulang paririto’t maghuhukom Sa mga nangabubuhay at nangamatay na tao. Sumasampalataya naman ako sa Diyos Espiritu Santo; sa Banal na Simbahang Katolika; Sa kasamahan ng mga Banal; sa kapatawaran ng mga kasalanan; sa pagkabuhay na mag-uli ng mga nangamatay na tao at sa buhay na walang hanggan. Amen.

11

ANG BANAL NA PAGLALAKBAY: MGA SIMBAHAN 1)

UNANG SIMBAHAN: Parokya ng San Juan Bautista, Dinalupihan, Bataan: “Pintuan ng Awa” (“Door of Mercy”);

Banal na Kasulatan: Lukas 4: 16 – 21 “Umuwi si Jesus sa Nazaret, ang bayan na kung saan Siya lumaki. Gaya ng Kanyang naka-ugalian, pumasok Siya sa sinagoga nang Araw ng Pamamahinga. Tumayo Siya upang bumasa, at doo’y ibinigay sa Kanya ang Kasulatan ni Propeta Isaias. Binuksan Niya ito sa dakong kinasusulatan ng ganito: ‘Ang Espiritu ng Panginoon ay sumasa-Akin, sapagkat hinirang Niya Ako upang ipangaral sa mga mahihirap ang Magandang Balita. Isinugo Niya ako upang ipahayag sa mga bihag na sila’y lalaya, at sa mga bulag na sila’y makakakita. Isinugo ako upang palayain ang mga inaapi, at upang ipahayag na darating na ang panahon ng Pagliligtas ng Panginoon.’ Ini-rolyo Niya ang Kasulatan, at matapos isa-uli sa tagapagingat, Siya’y naupo. Nakatitig sa Kanya ang lahat ng nasa sinagoga, at sinabi Niya sa kanila, ‘Ang Kasulatang ito na inyong narinig ay natupad ngayon.’” Pagbasa mula sa Liham ng Santo Papa: “Misericordiae Vultus” #12 “Ang Inang Simbahang Katolika ay isinugo upang ipahayag ang Awa ng Diyos, ang tumitibok na puso ng Mabuting Balita, na sa tanging kaparaanan nito ay nanunuot sa kaibuturan at kamalayan ng bawat tao. Marapat lamang na iayon ng Kabiyak ng Panginoong Jesus, ang Inang Simbahang Katolika, ang kanyang sarili sa Anak ng Diyos, na humayo at lumapit sa lahat nang walang itinatangi. Sa nga-

12 yon, ang Inang Simbahan ay inaatasan ng tungkuling muling ipahayag ang Mabuting Balita ng Kaligtasan;, ang diwa ng Awa ay kailangang muli’t-muli ilahad nang may panibagong sigla at sariwang pagkilos pastoral. Sadyang napakahalaga para sa Inang Simbahan at sa kanyang pagiging kapani-paniwala na siya ay mabuhay at maging saksi ng Awa. Sa kanyang wika at pagkilos ay dapat mabanaagan ang Awa, nang sa gayon ay maantig ang puso ng lahat ng mga tao at sila ay muling maitaguyod sa landas patungo sa Diyos Ama.”

Panalangin: (batay sa Sakramentaryo, pahina 829) Ama naming Panginoon ng kapanahunan, Ikaw ay walang simula at wala ring katapusan. Nasa Iyong mga kamay ang pag-iral ng tanang kinapal. Itinatalaga namin ang taong ito, bilang Tanging Hubileo, Taon ng Awa, mabathala at masagana, Ay Iyo nawang tunghayan at kalugdan. Dumaloy nawa sa amin at mag-umapaw Ang Iyong kagandahang-loob sa buong taon. Sa Iyong patnubay at pagtataguyod, Mapuspos nawa kami ng Iyong kabutihan at kabaitan, At ang Iyong kabanalan ay manahan sa amin Upang ang mga gawain na aming gagampanan sa Taong ito Ay humantong sa kaganapan ng Iyong kapurihan At sa aming kaligtasan at kaganapan. Hinihiling namin ito sa ngalan ni Jesus, Ang magiliwing Mukha ng Iyong Awa Ngayon at magpasawalang hanggan. Amen.

13

2)

IKALAWANG SIMBAHAN:

Parokya ng Santa Catalina ng Siena, Samal, Bataan: “Si Jesus, ang Mukha ng Awa ng Diyos”; Banal na Kasulatan: Juan 14: 08 – 11 “Sinabi sa Kanya ni Felipe, ‘Panginoon, ipakita po Ninyo sa amin ang Ama at masisiyahan na kami.’ Sumagot si Jesus, ‘Felipe, kaytagal na ninyo Akong kasama, hanggang ngayo’y hindi mo pa Ako nakikilala? Ang nakakita sa Akin ay nakakita na sa Ama. Bakit mo sinasabing ‘ipakita Mo sa amin ang Ama?’ Hindi ka ba naniniwalang Ako’y nasa Ama at ang Ama ay nasa Akin? Hindi sa Akin galing ang sinasabi Kos a inyo. Ngunit ang Ama na nasa Akin ang Siyang gumaganap ng Kanyang gawain. Maniwala kayo sa Akin: Ako’y nasa Ama at ang Ama ay nasa Akin.’”

Pagbasa mula sa Liham ng Santo Papa: “Misericordiae Vultus” #01 “Si Jesukristo ang Mukha ng Awa ng Diyos Ama. Sapat na ang mga salitang ito upang lagumin ang hiwaga ng Pananampalatayang Kristiyano. Ang Awa ay buhay at nababanaagan kay Jesus ng Nazaret, hanggang sa ang Awa ay humantong sa sukdulan nito sa Kanya. Ang Diyos Ama, na ‘sagana sa awa’ (Efeso 2:4), matapos magpakilala kay Moises bilang ‘Diyos na mahabagin at mapagpala; banayad sa pagkagalit, mapagmahal at laging tapat’ (Exodo 34:6), ay hindi kailanman tumigil sa pagpapamalas ng Kanyang mabathalang kalikasan sa iba’t-ibang paraan sa kahabaan ng kasaysayan. Sa ‘takdang panahon’ (Galacia 4:4), nang ang lahat ay naaayon na sa Kanyang pangako ng Pagliligtas,isinugo Niya ang Kanyang ka-isa-isang Anak sa sandaigdigan, isinilang ng Birheng Maria, upang ihayag sa lahat ang Kanyang pag-ibig sa atin nang hayagan at tuwiran. Sinuman na nakakita kay Jesus ay nakakita na saa Ama (Juan 14:9). Kay Jesus ng Nazaret, sa Kanyang pananalita, sa Kanyang pagkilos at sa kabuuang ng Kanyang pagkatao, ang Awa ng Diyos Ama ay nahahayag.”

14 Panalangin: (batay sa Sakramentaryo, pahina 813) Ama naming mapagkalinga, Ikaw ang tumawag at humirang sa amin, Bilang Sambayanang namumuhay sa Iyong Awa. Ipagkaloob Mo sa amin Ang karunungan at katatagan na maiwaksi Ang anumang salungat sa ngalan at dangal Na Iyong ipinagkaloob at ipinagkatiwala sa amin. Mapangatawanan nawa naming ito ng lubusan Hanggang sa kami ay maging matibay Sa buklod ng iisang pananalig at pag-ibig. Hinihiling namin ito, sa ngalan ni Jesus Ang maibiging Mukha ng Iyong Awa, Ngayon at magpasawalang hanggan. Amen.

15

3)

IKATLONG SIMBAHAN:

Dambana ng Mabathalang Awa, Roman Highway, Balanga City: “Bawat Mananampalataya, Anak/Alagad ng Awa”; Banal na Kasulatan: Mateo 18: 31 – 35 “Labis na nagdamdam ang ibang tauhan ng Hari nang malaman iyon; kaya’t pumunta sila sa Hari at isinumbong ang buong pangyayari. Ipinatawag ng Hari ang malupit na lingkod. Sabin g Hari, ‘Ikaw, napakasama mo! Pinatawad Kita sa utang mo sapagkat nagmakaawa ka sa Akin. Naawa Ako sa iyo. Hindi ba’t dapat ka rin sanang nahabag sa kapwa mo?’ At sag alit ng hari, siya ay ipinabilanggo hanggang sa mabayaran niya ang lahat ng kanyang utang. Gayundin ang gagawin sa inyo ng Aking Ama na nasa langit kung hindi niyo patatawarin nang buong puso ang inyong kapatid.” Pagbasa mula sa Liham ng Santo Papa: “Misericordiae Vultus” #09 “Sa mga talinghaga ukol sa awa, inilalahad ni Jesus ang kalikasan ng Diyos, bilang isang Ama na hindi sumusuko hangga’t hindi Niya napapatawad ang mga nagkasala at napagtatagumpayan ang pagtalikod, taglay ang Kanyang habag at awa... Ang talinghaga na ito ay may malalim na aral para sa ating lahat. Pinagtitibay ni Jesus na ang Awa ay hindi lamang pagkilos ng Diyos Ama; ito rin ngayon ang batayan at sukatan (criterion) upang matukoy nang may katiyakan kung sino ang mga tunay na anak ng Diyos. Sa madali’t sabi, tayo ay inaasahan na maging maawain sapagkat ang awa ay mas unang ipinadama sa atin. Ang pagpapatawad ng mga kasalanan ang pinakamalinaw na larawan ng maawaing pag-ibig, at para sa ating mga Kristiyano, ito ay isang gampanin/tungkulin (imperative) na di natin maitatanggi sa ating mga sarili. Madalas, napakahirap ang magpatawad. Gayunpaman, ang pagpapatawad ang siyang kasangkapan na inilagay sa ating mga kamay upang makamtan ang kapanatagan ng puso. Ang maging

16 malaya sa galit at poot, karahasan at paghihiganti ay mahalaga upang makapamuhay nang matiwasay... Lalong higit, pakinggan natin si Jesus sa Kanyang pananalita na nagtatakda sa Awa bilang panuntunan ng buhay at batayan at sukatan (criterion) ng pagiging kapanipaniwala ng ating pananampalataya: ‘Pinagpala ang mga mahabagin, sapagkat kahahabagan sila ng Diyos’ (Mateo 5:7): ang pagpapala na siyang minimithi natin para sa Taong ito ng Hubileo ng Awa.” Panalangin: (batay sa Sakramentaryo, pahina 847) Ama naming mahabagin, Pakundangan sa pagpapakumbaba Ng Anak Mong masunurin, Ibinangon Mo sa pagkadapa Ang sangkatauhang masuwayin. Para Mo nang awang dinggin ang aming kahilingan At patawarin Mo ang nagawa naming kasalanan. Magkamit nawa kami ng Iyong patawad at kapayapaan. Ipagkaloob Mo sa amin ang tunay na kalayaan Sa pagkamakasalanan, maging sa poot at galit. Huwag Mong itulot na sa katiwalian kami ay masangkot. At sa Awa na aming tinanggap mula sa Iyo, Kami ay maging maunawain at maawain, Mapagpaumanhin at mahabagin sa isa’t-isa. Hinihiling namin ito sa ngalan ni Jesus, Ang maamong Mukha ng Iyong Awa, Ngayon at magpasawalang hanggan. Amen.

17

4)

IKA-APAT NA SIMBAHAN:

Katedral-Dambana ng San Jose, Balanga City, Bataan: “Sama-sama, Nagkakaisa, Pamayanan ng Awa” Banal na Kasulatan: Gawa ng mga Apostol 4: 32-34 Nagkaisa ang damdamin ng lahat ng mga mananampalataya at di itinuring ninuman na sarili niya ang kanyang ari-arian, kundi para sa lahat. Ang mga apostol ay patuloy na gumagawa ng mga kababalaghan at nagpapatotoo sa muling pagkabuhay ng Panginoong Jesus. At ibinubuhos ng Diyos amg kanyang pagpapala sa kanilang lahat. Walang nagdarahop sa kanila, sapagkat ipinagbibili nila ang kanilang lupa o bahay, at ang pinagbilhan ay ibinibigay sa mga apostol. Ipinamamahagi naman ito ayon sa pangangailangan nila. Buod ng Panayam: “Bayan ng Diyos: Pamayanan ng Awa” Ang pagsasabuhay ng Awa ng Diyos ay hindi lamang personal o “individual”, kundi pangsambayanan o “communal”. Ang Diyos na Santatlo ay Sambayanan ng Awa. Si Jesus, na mukga ng Awa ng Ama ay Sambayanan mismo. Siya ang Ulo, tayo ang mga kasapi. Ang Simbahan ay katawan ni Kristp. Ang Simbahan ay Pamayanan ng Awa. Kasama ang bawat grupong pang-Simbahan – Ang Diyosesis, mga parokya, mga KRISMA, samahang Relihiyoso at pamilya.

Kaya ang awa ng Diyos ay opisyal na ipinapahayag, litawa sa mga gawain at katuruan ng buong simbahan. Ang Awa ng Diyos ay isinasabuhay, nagiging kalakasan, isa sa pagkakilanlan ng bawat pamayanan. Kaya bukod sa personal na gawa ng awa, nararapat buuin ang buong Simbahan at mga balangkas nito bilang mga Pamayanan ng Awa.

18 Panalangin: Amang maawain, nilikha mo kaming kalarawan Mo. Hangad mong kami’y makapiling. Sa aming pagkakasala, lalo ming ipinadama ang iyong Awa. Sinugo mo ang iyong Anak, dala ang iyong Awa. Pati buhay niya’y inialay para sa aming katubusan. Tila hindi pa sapat ito, sinugo ninyo ang iyong Banal na Espiritu upang patuloy kaming gabayan hanggang sa mabuo ang “Kasamahan ng mga Banal” sa piling ng Banal na Santatlo. Sa buhay namin ngayon, marami pa ring mga “Sigaw ng Awa”. Kami, bilang iyong pamayanan ang magpapatuloy ng iyong Misyon ng Awa. Antigin mo ang aming isip at puso. Titigan mo kami ng mata mong maawain upang lumambot ang aming matigas na puso. Gawain mo kaming larawan ng iyong awa upang bilang isang Sambayanan ng Awa isabuhay namin ito upang unti-unto humina ang sigaw ng awa at umalingawngaw ang pangsambayanang mga gawa ng awa. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Jesukristo, kasama ng Espiritu Santo, magpasawalang hanggan. Amen.

19

5)

IKALIMANG SIMBAHAN:

Parokya-Dambana ng San Roque, Lamao, Limay, Bataan: “Birheng Maria , Ina ng Awa”. Banal na Kasulatan: Juan 02: 01 – 05 “Pagkalipas ng dalawang araw, may kasalan sa Cana sa Galilea, at naroroon ang Ina ni Jesus. Si Jesus at ang Kanyang mga alagad ay inanyayahan din sa kasalan. Kinapos ng handang alak, kaya’t sinabi ng Ina ni Jesus sa Kanya, ‘Anak, naubusan sila ng alak.’ Sinabi ni Jesus, ‘Huwag po ninyo Akong pangunahan, Ginang. Hindi pa poi to ang tamang panahon.’ Sinabi ng Kanyang Ina sa mga naglilingkod, ‘Gawin ninyo ang anumang sabihin Niya sa inyo.’” Pagbasa mula sa Liham ng Santo Papa: “Misericordiae Vultus” #24 “Ngayon, ang aking kamalayan ay bumabaling sa Ina ng Awa. Mamalagi nawa sa atin ang Kanyang masintahing pagtingin sa kabuuan ng Taong ito upang muli’t-muli nating matagpuan ang kagalakan ng paglalambing ng Diyos Ama. Wala sinuman ang naka-arok sa lalim ng hiwaga ng Pagkakatawang-tao, ang Birheng Maria lamang. Ang buong buhay niya ay pawang naaayon sa pananahan ng Awa na nagkatawang-tao sa kanya. Ang Ina ng Nakabayubay sa Krus na Muling Nabuhay ay nakapaloob sa dambana ng Mabathlang Awa sapagkat buong taimtim siya ay nakisangkot sa hiwaga ng Kanya Pag-ibig. Hinirang na maging Ina ng Anak ng Diyos, ang Birheng Maria, sa simula pa lamang, ay inihanda na ng Pag-ibig ng Diyos na maging ‘kaban ng tipan’ sa pagitan ng Diyos at ng tao. Iningatan niya sa kanyang puso ang yaman ng mabathalang Awa (Lukas 2: 19, 51) katulad na katulad ng kanyang na si Jesus. Ang kanyang Himig ng Papuri, na inawit sa bakuran ng tahanan ng kanyang pinsang si Isa-

20 bel, ay ukol sa Awa ng Diyos na laan ‘para sa lahat ng salinlahi’ (Lukas 1:50). Tayo rin ay bahagi ng mga pananalitang yaon ng Mahal na Birheng Maria. Ito ay magsisilbing bukal ng aliw at lakas habang binabagtas natin ang landasin ng Taong ito ng Awa at maranasan natin ng tuwiran at masagana ang mga bunga ng Mabathalang Awa.” Panalangin: (batay sa Sakramentaryo, mga pahina 867) Ama naming bukal ng kagandahang-loob, Iyong minarapat na si Maria ay itampok Bilang Inang nagluwal sa Pangakong Manunubos At bilang unang kaanib sa Sambayanan Mong kinukupkop. Ang Anak Mong nakabayubay noon sa krus na banal Ay nagbigay ng Kanyang Ina Upang maging Ina naming tanan. Ipagkaloob Mo, pakundangan sa Inang mapagmahal, Na kami na Iyong sambayanan ay magalak araw-araw Sa pagkakamit ng Iyong Awa at kabanalan. At sa pag-ibig ni Mariang Birheng Ina ng Samabayanan, Kami ay makapamuhay nang tapat sa Iyong panawagan. Sa halimbawa ni Maria, aming Ina, Kami ay maki-isa at makipagtulungan Sa pagliligtas sa tanang nilalang. Hinihiling namin ito sa ngalan ni Jesus, Ang kaibig-ibig na Mukha ng Iyong Awa, Ngayon at magpasawalang hanggan. Amen.

21

AWIT 136 : AWIT NG PASASALAMAT Purihin si Yahweh sa Kanyang kabutihan, Pag-ibig Niya’y tunay, laging tapat kailanman! Pinakadakilang Diyos ng mga diyos ay pasalamatan, Pag-ibig Niya’y tunay, laging tapat kailanman! Ang Panginoon ng mga panginoon ay ating pasalamatan, Pag-ibig Niya’y tunay, laging tapat kailanman! Dakilang himala at kababalaghan, tanging Kanya lamang, Pag-ibig Niya’y tunay, laging tapat kailanman! Itong kalangitan Kanyang ginawa nang buong kahusayan, Pag-ibig Niya’y tunay, laging tapat kailanman! Nilikha ang langit pati ang tubig nitong kalaliman, Pag-ibig Niya’y tunay, laging tapat kailanman! Siya ang Lumikha, Siya ang gumawa ng araw at buwan, Pag-ibig Niya’y tunay, laging tapat kailanman! Nilikha ang araw upang sa maghapon ay siyang tumanglaw, Pag-ibig Niya’y tunay, laging tapat kailanman! At Kanyang nilikhang pananglaw sa gabi, bituin at buwan, Pag-ibig Niya’y tunay, laging tapat kailanman! Ang panganay ng mga Egipcio ay Kanyang pinatay, Pag-ibig Niya’y tunay, laging tapat kailanman! Mula sa Egipto Kanyang inilabas ang baying hinirang, Pag-ibig Niya’y tunay, laging tapat kailanman! Ang ginamit Niya’y mga kamay Niyang makapangyarihan, Pag-ibig Niya’y tunay, laging tapat kailanman! Ang Dagat na Pula, Kanyang inutusan at nahati naman, Pag-ibig Niya’y tunay, laging tapat kailanman! Ang pinili Niyang Bayan ng Israel ay doon dumaan, Pag-ibig Niya’y tunay, laging tapat kailanman! Ngunit nilunod Niya Itong Faraon at hukbong sandatahan, Pag-ibig Niya’y tunay, laging tapat kailanman! Nang mailabas na’y Siya ang Kasama habang nasa ilang, Pag-ibig Niya’y tunay, laging tapat kailanman! Pinagpapatay Niya yaong mga haring makapangyarihan, Pag-ibig Niya’y tunay, laging tapat kailanman! Maging mga haring bantog noong una ay Kanyang piñata,

22 Pag-ibig Niya’y tunay, laging tapat kailanman! Siya ang pumatay sa haring Amoreo,ang haring si Sihon, Pag-ibig Niya’y tunay, laging tapat kailanman! Siya rin ang pumataay sa bantog na si Og, ang hari ng Bashan, Pag-ibig Niya’y tunay, laging tapat kailanman! Ang lupain nila’y ipinamahagi sa Kanyang hinirang, Pag-ibig Niya’y tunay, laging tapat kailanman! Ipinamahagi Niya sa Israel, baying minamahal, Pag-ibig Niya’y tunay, laging tapat kailanman! Di Niya nilimot nang tayo’y malupig ng mga kaaway, Pag-ibig Niya’y tunay, laging tapat kailanman! Pinalaya tayo, nang tayo’y masakop ng mga kalaban, Pag-ibig Niya’y tunay, laging tapat kailanman! Lahat ng pagkain ng tao at hayop, Siya’ng nagbibigay, Pag-ibig Niya’y tunay, laging tapat kailanman! Ang Diyos nitong langit ay dapat purihin at pasalamatan, Pag-ibig Niya’y tunay, laging tapat kailanman!

23

PANALANGIN NG SANTO PAPA, FRANCISCO PARA SA TANGING HUBILEO, TAON NG AWA 2016 Panginoong Jesucristo, itinuro Mo sa amin Na “maging maawain tulad ng Amang nasa langit” (Lukas 6 : 36); Ipinahayag Mo rin na “sinumang nakakita sa Iyo ay nakakita na sa Kanya” (Juan 14 : 9). Ipakita Mo sa amin ang Iyong Mukha At kami ay maliligtas. Ang magiliw Mong pagtingin Ang siyang nagpalaya kina Zaqueo at Mateo Mula sa pang-aalipin ng pananalapi; Ang siyang nagpalaya kina Magdalena at sa babaing nahuli sa pakikiapid Sa paghahanap ng kaligayahan sa mga nilikhang bagay; Ang siyang nagpaluha kay Pedro matapos ang kanyang tatlong ulit na pagkakanulo At ang siyang nagbigay katiyakan ng paraiso sa Nagsisising Magnanakaw.

Hayaan Mo na marinig namin, Wari bang ito ay tuwiran Mong sinasabi sa bawat isa sa amin ngayon, ang mga salitang binigkas Mo sa Babaeng Samaritana: “Kung alam mo lang ang pagpapala ng Diyos!” (Juan 4 : 10) Ikaw ang nakikitang mukha ng hindi nakikitang Diyos, Ng Diyos na nagpapamalas ng Kanyang kapangyarihan, Lalong higit sa Kanyang pagpapatawad at awa: Hayaan Mo na ang Inang Simbahan Ang siyang maging Iyong Mukha na nakikita sa mundong ibabaw, Panginoong Muling Nabuhay at Maluwalhati. Minarapat Mo na ang Iyong mga lingkod ay magtaglay ng kahinaan Upang makadama sila ng habag para sa mga walang muwang

24 at naliligaw; Hayaan Mo na ang lahat ng mga dumudulog sa kanila Ay makadama na sila ay minamahalaga at hinahanap, Kinakalinga at pinatatawad ng Diyos. Isugo Mo ang Iyong Espiritung Banal At italaga Mo kaming lahat sa Iyong Paghirang Nang sa gayon, ang Natatanging Taon na ito ng Awa Ay maging “isang taon ng pagpapala mula sa Panginoon”; At ang Iyong Simbahan, puspos ng panibagong sigla, “Ay maghatid ng Mabuting Balita sa dukha, Magpahayag ng paglaya sa mga bilanggo at inaapi, At magpanumbalik ng paningin ng mga bulag.” (Lukas 4 : 18) Hinihiling namin ito, Sa pagkandili ng Mahal na Birheng Maria, Ina ng Awa, Ikaw na nabubuhay at naghahari Kasama ng Ama at ng Espiritu Santo, magpasawalang hanggan. Amen.